Pinag-resign o sinibak, nakakagulat ang nangyari kay BIR chief Lilian Hefti. Mantakin n’yo, buong-buhay sa loob ng 20-taon, ibinuhos ng opisyal ang kanyang oras sa ‘tax collection’, pagkatapos sisibakin lamang ni Mrs. Arroyo. Hindi bale si ‘Mr. Prito’, as in presidential legal counsel Sergio Apostol -- ito’y isang pulitiko at asahang ‘balik-Kongreso’ sa 2010 lalo pa’t misis ang nakaupo, katulad din ni Maguindanao Cong. Simeon Datumanong, animo’y ginawang ‘palipasan ng oras’ ang DOJ at DPWH? Ang masakit sa panig ni Hefti, ito’y iniintriga pang pinag-aral sa Amerika ng isa sa inaakusahang tax evader kaya’t sinibak ni Mrs. Arroyo. Ni sa panaginip, ayokong isiping hindi nakapag-deliver si Hefti at hindi nagawang ‘punuin ang garapon’ ng Malacañang kaya’t sinibak taliwas sa alegasyong hindi naabot ang puntiryang tax collection, katulad sa kuwento ng isang kababayan ni Hefti sa Bicol na nakatabi ng mga kurimaw sa sinehan habang hinihintay ang pagsisimula ng pelikulang ‘Body of Lies’, aba’y nag-aalimpuyos sa galit si Tatang pagkatapos kantahin ang Lupang Hinirang at dinugtungan ng pangalan ni Mrs. Arroyo ang huling talatang ‘Ang mamamatay ng dahil sa iyo’. Kung nakakapatay ang binitawang kataga ni Tatang, sa malamang si Vice President Noli de Castro ang bagong occupant ng Malacañang. Ibig sabihin, napakarami ang galit kay Gloria! *** Hindi natin babangitin ang pangalan pero isa sa miyembro ng Wednesday Group ang nagkumpirmang bitbit ni Senate President Manuel Villar Jr., sa kanilang ‘weekly forum’ ang eskandalo sa Upper House -- ito ang pinaka-’hottest issue’ tuwing Wednesday Night at napaka-emotional kapag pinag-uusapan ang katagang ‘Singit at Taga’ kaya’t mismong si De Castro ang nag-suggest sa tropa na ‘change topic’, aba’y masisira nga naman ang kasiyahan. Sa malamang, hanggang pagtulog, napapanaginipan ni Villar sina Lacson at Jamby Madrigal. Kahit itanong n’yo pa kay Mr. Straight to the Point, as in Ely Saludar na mapapanood sa IBC-13 tuwing Miyerkules, ganap na alas 7:00-8:00 ng gabi! Maliban kay Villar, bagsak din ang ‘tuka’ ng isa sa lider ng minority bloc sa Lower House, ito’y maagang tumaya sa mister ni Las Piñas Congw. Cynthia Villar at hindi malaman ngayon ni ‘Congressman R’ kung paano ililipat ang pusta. Kundi nagkakamali ang Spy, tumaya kay Lacson noong 2004 election si Congressman, kasama ang negosyanteng kapatid pero naunsyami ang pagsasanib-puwersa nina ‘Da Ping’ at ‘Da King’ kaya’t walang nahita si Congressman at naupo si Mrs. Arroyo via Hello Garci scandal. At nakaraang linggo, naispatang lulugu-lugo si Congressman habang kausap ang mga dating katropa. Abangan kung maghahanap ng ibang ‘pupustahang manok’ si Congressman ngayong sugatan sa sariling tari si Villar! *** Sadyang nauuso ang sibakan, aba’y usap-usapan ang pagsipa ng ex-wife ni ex-Batangas Gov. Antonio Leviste sa kanyang PR man, hindi lamang sa GSIS compound kundi sa iba’t ibang coffee shops. Ang isyu: hindi lang namangka sa dalawang ilog kundi tatlo hanggang limang bangka ang ‘sinasagwan’ ng kanyang PR man. Sandamakmak ang kliyenteng senador ni ‘Mr. W’ kaya’t nagkasabit-sabit sa paglabas ng press release. Sa dami ng raket, hindi malaman kung sino ang uunahin kaya’t aksidenteng napadalhan ng statement ni Manong Johnny Enrile ang inyong lingkod pero letterhead ni Loren Sinta ang ulo at iisa pa ang tipo, as in routine na ‘pagsabungin’ sa press releases ang mga kliyenteng senador at ginigisa sa sariling mantika para itulak ang pansariling interes nito! Anyway, itinanggi ng kaibigang matalik ni Senador Edong Angara -- si Loren Sinta ang pagsibak kay ‘Mr. W’ dahil nabisto nitong nagtatrabaho nang palihim sa kalabang presidentiable, katulad ang alegasyong inarkila ng kampo ni Villar sa isang ‘special operation’ upang patayin sa mga peryodiko, radyo at telebisyon ang lahat ng banat sa ‘tongpats issue’. Ang depensa ni Loren Sinta: ‘Kaibigan ko lang siya. Hindi ko siya staff. Wala siya sa akin at tumutulong lang’. At lingid sa kaalaman ng kurimaw, kinuha pa lang PR man ni Senador Dick Gordon si Mr. W. Ang depensa ni Loren Sinta: ‘Hindi ako. Kay Senador Dick Gordon iyon pero ang alam ko wala na sa kanya’. Kung nakuha ni Villar si Mr. W bilang bagong PR man, isa lang ang malinaw, natraydor si Loren Sinta at posibleng malanta ang Luntian! (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment