Monday, October 20, 2008

oct 20 2008 abante tonite issue

Ex-mayor, ginawang ‘aso’ ni Mayor
(Rey Marfil)

Kung anong pagbubuhay-hari sa panahong namamayagpag sa kapangyarihan, ngayo’y nagmistulang pakaining aso kung bumubuntot sa kaibigang incumbent mayor ang isang dating kinikilalang ama ng lungsod sa Metro Manila.
Ang masakit lamang sa panig ni ex-mayor, halos wala itong pinag-iba sa mga naghihikahos na consti­tuents kung ituring ni incumbent mayor, katulad ng mga pumipila sa Office of the Mayor kada araw upang humingi ng medical at financial assistance.
Sa report na nakalap ng TONITE Spy, madalas kaawaan ng mga kaibigan si ex-mayor dahil nanlilimahid at napakalayo sa dating pagbubuhay-mayaman, partikular sa panahong sikat at makapangyarihan matapos pagharian ang isa sa mayamang lungsod sa Metro Manila kung saan hindi mabilang ang magagarang sasakyan at kaliwa’t kanan ang pag-aaring bahay.
Sa panahong nasa kapangyarihan si ex-mayor, lahat ng kalokohan sa buhay, kabilang ang pakikipagrelasyon sa iba’t ibang bebot, ito’y kinasangkutan, maging ang pagpapagamit sa Malacañang upang wasakin ang kalaban sa pulitika hanggang sa pakikipaghiwalay sa lehitimong asawa para patakbuhin sa pulitika ang bagong kinakasama.
Ang matinding revelation sa lahat, dati-rati’y takbuhan ni incumbent mayor si ex-mayor lalo pa’t makapangyarihan sa nagdaang administrasyon at nabuo ang magandang pagkakaibigan ng dalawa kung saan ipinagkatiwala ng dating opisyal ang multi-milyon pisong kinita sa pango­ngomisyon ng mga proyekto at iba pang ari-ariang nagmula sa illegal operations nito.
Katulad ng kasabihang ‘tuso man ang matsing, napag­lalangan din’, hindi naisip ni ex-mayor na lahat ng bagay may hangganan o katapusan kung kaya’t naiba ang takbo ng kanyang buhay matapos matalo sa eleksyon, maging ang karelasyon nito, as in naghirap ang dating opisyal.
Dahil talunan si ex-mayor, karamihan sa mga ari-arian nito’y naibenta at naisangla para matustusan ang luho ng kanyang pamilya at ngayo’y isa sa mga bumubuntot kay incumbent mayor, kalakip ang hangaring mahagisan ng kahit konting biyaya lalo pa’t napakalapit sa Palasyo ng Malacañang nito.
Clue: Napakakontrobersiyal ni incumbent mayor at madalas maeskandalo ang mga diskarte sa publiko, pabor kay Mrs. Arroyo. Abangan sa Miyerkules kung sino si ex-mayor at kung paano nagoyo ni incumbent mayor. (www.mga kurimaw.blogspot.com)

No comments: