Sa pagbabalik ni Jocjoc Bolante, lahat nagpi-’feeling hero’ para ipaaresto ang ‘architect’ ni Mrs. Arroyo sa pagda-divert ng multi-bilyong fertilizer fund noong 2004 election, gamit ang naunang warrant of arrest na inilabas ng Upper House. At meron din ‘umeepal’ pabor sa palasyo, katulad ng ‘kaibigang matalik’ ni Loren Sinta -- si Edong Angara, ngayo’y chairman ng committee on agriculture at pumalit kay ex-Senator Jun Magsaysay. Mantakin n’yo, tinabla ang re-opening ng fertilizer probe gayong maraming katanungan ang tinakasan ni Jocjoc noong 13th Congress at isa sa nagrekomendang kasuhan ng plunder. Sabagay, ‘mala-rainbow’ ngayon ang kulay ni Edong sa dami ng ginawang ‘pagtalon’ at expected ang pakikipaglaro sa ‘playground’ ng esmi ni Jose Pidal!
Sa kaalaman ng publiko, buong buwan ng Oktubre 2005 na nag-imbestiga si Magsaysay at buong buwan din na pinagtaguan ni Jocjoc ang Upper House hanggang makunan ng video sa Hotel Sofitel ng ABS-CBN team ni Lynda Jumilla. Sa public hearing noong Disyembre 5, 2005, lingid sa kaalaman ng lahat, meron dalawang tauhan ang US Embassy nagmo-monitor sa kabuuan ng imbestigasyon ni Magsaysay. Ibig sabihin bago pa man tumakas si Jocjoc noong Marso 2, 2006 at naaresto noong Hunyo 2006 sa Amerika, ito’y binabantayan ng US government at kinasangkapan lamang ang pasong US visa.
Ang nakakatawa lang, lahat ‘nagbibida-bidahan’ kay Jocjoc subalit balikan ang nakaraan, tanging 17 senador mula sa 23 miyembro ng Upper House sa nakaraang 13th Congress ang pumirma sa Magsaysay report, minus si Vice President Noli de Castro. Sa 17 senador nakapirma sa Magsaysay report, 13 senador ang incumbent ngayong 14th Congress -- sina Manny Villar, Joker Arroyo, Pong Biazon, Pia Cayetano, Edong Angara, Jinggoy Estrada, Ping Lacson, Lito Lapid, Jamby Madrigal, Francis Pangilinan, Nene Pimentel , Juan Ponce Enrile, at Bong Revilla.
***
Napag-usapan ang committee report, nakakatawang isipin na sobrang ingay ngayon ng boypren ni Ate Korina sa fertilizer scandal at meron pang proposal na pag-aralan kung meron pang ‘bertud’ ang naunang arrest order ng Senado. Ang malinaw lang ngayon, panalo si Roxas sa lahat ng ‘media action’, aba’y walang kalaban sa mga peryodiko dahil nakabakasyon ang lahat ng presidentiables. Teka lang, bakit hindi ipaaresto ni Villar si Jocjoc sa mga tauhan ni retired General Jose Balajadja at hayaang magreperi ang Supreme Court (SC) lalo pa’t walang inatupag si Mrs. Arroyo kundi magpasaklolo sa mga mahistrado. At least mada-divert ang isyu ng ‘singit at taga’, partikular ang ethics probe sa conflict of interest ng C-5 Road project?
Balikan ang Magsaysay report, bakit hindi pumirma sina Roxas, Dick Gordon, Ralph Recto at Fred Lim. Nasaan sina Roxas at Gordon nang irekomendang kasuhan ng plunder at ilarawang ‘grand agricultural theft’ si Jocjoc. Sabagay, tumakbo sina Gordon at Roxas sa ticket ni Mrs. Arroyo noong 2004 at parehong nagsilbing gabinete ang dalawa -- si Roxas bilang DTI Secretary at DOT Secretary si Wow Dick. Ni sa panaginip, ayokong isiping hindi kayang suwayin ni Mr. Palengke, maging ni Gordon ang kanilang amo sa panahong iniimbestigahan si Jocjoc, maliban kung irarason ni Wow Dick ang ‘pagtatapon ng laway’ sa Geneva Switzerland bilang bagong Presidente ng Red Cross kaya’t absuwelto sa pirma ito?
In fairness kay Lim, ito’y inoperahan ang mata kaya’t isang buwang nagpahinga at hindi rin kailangan pang itanong kung bakit tinabla ni Recto ang committee report, ikaw ba namang tumagilid sa No.12 slot noong 2001 election? Kung hindi nagkakamali ang Spy, ang pagpapaaresto kay Jocjoc, ito’y alinsunod sa rekomendasyon ni Enrile at walang ibang nag-second the motion kundi si Biazon sa hearing ng committee on agriculture. Sa ngayon, ‘tubong-lugaw’ si Mr. Palengke sa lahat ng media interview kay Jocjoc, maging sa ‘Euro Generals’ na nagbitbit ng P7.7 milyon sa Moscow. At least hindi nasayang ang perang ipinang-arkila kay ex-Press Usec. Bobby Capco na naunang inakusahang adik ni ex-PCSO media consultant Robert Rivero, aba’y balitang P150 libo ang buwanang sahod? Anyway, Aklanon si Jocjoc at Capizeno si Roxas, as in parehong nasa Iloilo region at ‘tawid-dagat’ lang ang mga ito! (www.mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment