Magandang araw sa iyo Rey, ako po ay isang OFW dito sa Saudi Arabia na lubos na naniniwala na hindi ang paninigarilyo ng isang Pangulo ang makasisira sa kanyang paglilingkod sa bayan.
Puwede bang ilathala ang tula kong ito sa iyong column? Kung puwede lang naman. Para sa akin lang naman, ito ay dapat mabasa ng ating mga kababayan na mas inuuna ang pagpuna kesa sa kung ano ang maibabahagi sa bayan tungo sa kaunlaran.
Bigyan ng lakas at inspirasyon ang ating bagong Pangulo ng Pilipinas.
Ang tao nga naman, walang kasiyahan,
Hindi makuntentong tanggapin ang katotohanan,
Ang naisin nila’y, sa kapwa’y matunghayan,
Nakalimutan ang tao’y iba-iba ang kinagisnan.
Iba-iba ang kinalakhan, iba-iba ang kapaligiran,
Iba-iba ang ugali, Iba-iba ang pangangailangan.
Iba iba ang kapalaran, iba-iba ang buhay,
Iba-iba ang daan ng sariling kaligayahan.
Sa halal na Pangulo, wag nating kalimutan,
Na siya’y tao rin, may sariling pangangailangan,
Di ba ang mahalaga ay kanyang magampanan,
Ang sinumpaang tungkulin dahil sa pagmamahal sa bayan.
Marami sa tao, sa sarili’y matuwid,
Pag nagsisigarilyo, tao’y di na malinis,
Dapat bang sabihin sa halal na Pangulo,
Di mabuting ehemplo sa kanya ay inguso?
Hinalal ba ang tao upang sa sigarilyo ay ating husgahan?
Para sa akin, halal na Pangulo ay isang tapat at dapat panaligan,
Hindi sinungaling, mabuti ang hangarin, malinis ang puso at tapat sa bayan.
Aanhin ko ang taong nagkukunwaring magaling,
Kapag nasa puwesto, sa kapangyarihan nalalasing.
Nakaw doon, nakaw dito,
Hindi nagsisigarilyo subalit Bayan ay naghirap,
Bayan ay sumisigaw at umiiyak,
Nang mapalitan nakaupong Pangulo, heto na ang tao,
Dahil sa sigarilyo, hindi raw mabuting ehemplo,
Nakalimutang tungkulin sa bayan ang prayoridad nito.
Hindi pa nauupo, hinuhusgahan ito.
Alin ba ang mabuti, tapat maglingkod,
O, nakatago ang bulok?
Mabuti nga sa mata ng tao, nakalubog naman sa kahirapan ang bayan ko?
Hindi raw makapaglilingkod ng husto
Kapag kalusugan ng Pangulo ay sirain ng sigarilyo.
May katwiran man kayo, sana alalahanin nyo,
Hindi sigarilyo ang batayan para sa isang mabuting Pangulo.
Bakit inuuna ang puwing ng iba,
Ang sariling puwing hindi nakikita.
Bakit hinuhusgahan mga nagsisigarilyo?
Lahat ba ng sakit nanggagaling dito?
Masasabing may sakit na dulot ang paninigarilyo,
Kung walang pakundangan sa paggamit nito.
Subalit nakita ba ng tao, mas maraming sakit, dulot ng kapabayaan nito?
Mabahong kanal, mabahong imburnal,
Maruming ilog, maruming hangin ng sasakyan.
Maruming kapaligiran, usok ng pabrika at amoy ng kemikal,
Lahat ating nalalanghap, kahit tayo’y nasaan,
Higit sa lahat maruming kaisipan.
Ang aking mungkahi sana ay dinggin nyo,
Lalo na sa mga taong laban sa paninigarilyo.
Konsiderasyon para sa aming naninigarilyo,
Pagkat kami’y mga taong tulad din ninyo,
May pusong makatao, may pagmamahal sa bayan
At walang pini-perwisyo.
Di ko sinasabing masama ang hangarin,
Ang itigil ng Pangulo ang paninigarilyo,
Subalit mali ang sabihing hindi mabuting ehemplo,
Sa halip punahin ang ating Pangulo,
Bakit hindi ang ikabubuti ng bayan ang asamin dito.
Mawala ang corruption sa gobyerno,
Alisin sa tungkulin ang hindi karapat-dapat na tao.
At magkaroon ng pag-ibig, pagkakaisa ang mga Pilipino,
Lahat ng nahalal sa ating gobyerno,
Magkaroon ng ganap, malinis, tapat, makataong sebisyo,
Upang ang ating bansa, ay muling umasenso.
Mabuhay ang Bagong Pangulo!
Alfredo de Mesa de Leon
Worley-Petrocon Arabia Ltd. Pipeline Department
P .O. Box 31699Al-Khobar,
31952 K.S.A. 966-3-8813775 Ext.
9370966-50-2944960