Nameke si Mitra?
Rey Marfil
Hindi pa man nagsisimula ang laban, malinaw ang pagka-knockout ni Cong. Abraham Mitra -- kandidato ng Liberal Party (LP) sa pagka-gobernador ng Palawan, ito’y walang pinag-iba sa namayapang amang si House Speaker Ramon ‘Monching’ Mitra Jr., noong 1992 presidential elections, aba’y bago nagsimula ang kampanya, nabisto ang inimprentang balota sa Batasan Complex.
Ang resulta: Nanalo si dating Pangulong Fidel Ramos -- ang ‘minanok’ ni dating Pangulong Corazon Aquino. Hindi lang iyan, ayokong isiping segurista ang pamilya Mitra, aba’y tumatakbong senador sa Nacionalista Party (NP) ang nakakabatang kapatid -- si Ramon ‘Monmon’ Mitra III. Anyway, better luck next time kay Papa Baham, ito’y bata pa sa 2013. Iyon nga lang, kailangang manirahan sa Aborlan, Palawan upang hindi masilip ang residency.
Noong nakaraang linggo, pinagtibay ni Lolo Jose, as in Comelec chairman Jose Melo ang disqualification case laban kay Papa Baham, malinaw ang information sheet -- ito’y hindi lehitimong residente ng Aborlan Palawan, as in fictitious o peke ang residential address sa isinumiteng certificate of candidacy (COC).
Sa imbestigasyon ng Comelec, hanggang ngayo’y nakatira sa Sta. Monica, Puerto Princesa si Papa Baham at hindi sa Sitio Maligaya, Bgy. Isaub, bayan ng Aborlan. Kung merong dapat sisihin si Papa Baham, ito’y walang iba kundi si Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn, aba’y pinalawak ang sakop ng distrito.
Sa kaalaman ng publiko, simula ng maupong mayor ng Puerto Princesa si Hagedorn, naging mabilis ang pag-unlad ng lungsod kaya’t na-classify bilang highly-urbanized city. Dahil highly-urbanized ang Puerto Princesa, nawala ang pagiging component o pagkakasakop sa pamahalaang panlalawigan ng Palawan.
Ibig sabihin, “independent republic” ang Puerto Princesa, katulad ng Cebu City at Baguio City. Ang malaking problema ni Papa Baham, ito’y hindi nagbago ng address at hindi maiwan ang kanilang tirahan sa Puerto Princesa kung kaya’t napag-isipang bumili ng lupain sa bayan ng Aborlan para mabigyan ng pagkakataong tumakbo bilang gobernador ng lalawigan.
***
Napag-uusapan ang kaso, hindi naging ‘futuristic’, as in hindi nabasa ni Papa Baham na merong dalawang sisilip sa kanyang residency -- sina Antonio Gonzales at Orlando Barbon Jr., kaya’t inimbestigahan ang isinumiteng COC sa Comelec. Sa record, nag-apply si Papa Baham ng transfer of voter’s registration mula sa Puerto Princesa patungo sa bayan ng Aborlan noong Marso 20, 2009, kasunod ang pagbili ng 29,998 metro kuwadradong lupain noong Enero 5, 2009. Take note: Nag-apply pa ng permit para magpagawa ng bahay. Ang sabit lang, hindi ma-establish ang kanyang residency at hindi rin tumira sa naturang lugar.
Hindi lang iyan, lumalabas pang hindi natapos ang pagpapagawa ng bahay na kinasangkapan ni Papa Baham sa paghahain ng COC at hanggang ngayon, nakatiwangwang ang bahay. Ang pinaka-latest development, naging tirahan ng mga trabahador ang lugar dahil dating feedmill ang property na nabili -- ito’y kabaliktaran sa isinumiteng affidavit kung saan pinapalabas nitong nakatira sa feedmill, simula Marso 2008 gayong sa isinagawang inspection, kahit isang kubeta o comfort room, walang mahanap ang mga imbestigador.
Maliban sa walang kubeta, hindi rin nakitaan ng kahit isang kuwarto at kusina ang bahay ni Papa Baham. At ang kuwartong tulugan, nadiskubreng pahingahan ng trabahador, simula Marso 2008 hanggang Oktubre 2009, maliban kung nakaugalian ni Papa Baham ang maki-join sa mga tauhan, aba’y tatlong tauhan ang nakatira at lumalabas pang ‘foursome’ sa iisang kuwarto.
Ang pinakamatindi sa lahat, mismong long time bodyguard ng kanilang pamilya -- si Nicanor Hernandez ang ‘naglaglag’ kay Papa Baham, as in hindi ‘na-briefing’ dahil inaming hindi sa Aborlan nakatira ang kanyang amo, bagkus, sa Sta. Monica, Puerto Princesa. Kaya’t malaking kalokohan kung paano nabuhay sa loob ng dalawang taon si Papa Baham ng wala kahit isang kagamitan sa Aborlan, Palawan, maliban kung idol si Jane at Gundina na nabuhay sa pagkain ng mga ‘umang’ at halamang baging? (mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb1810/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment