Saturday, September 12, 2009

september 12 2009 abante tonite

‘Presidentiable kuno’ namimingwit ng running mate
(Rey Marfil)

Bagama’t hindi nagsisinungaling ang ebidensya, sadyang desperado ang isang tinaguriang ‘presidentiable kuno’ na tumakbo sa 2010 national election, patunay ang lantarang ‘pamimingwit’ ng running mate.

Ang nakakatawa lamang, pinagtataguan si Presidentiable kuno ng mga pinupuntiryang running mate o ka-tandem, animo’y meron nakakahawang sakit kung ituring ng mga kasamahan sa organisasyon kung iwasan ang mokong.

Nasaksihan ng TONITE Spy kung paano pandirihan si Presidentiable kuno ng isa sa kinukursunadang running mate matapos pagtaguan at harapang tablahin ang imbitasyong mag-usap ang mga ito.

Dahil nalalapit ang pagdideklara sa magiging standard bearer ng partido, nagsimulang gumalaw si Presidentiable kuno, sa pamamagitan ng pamimingwit ng running mate at numero unong puntirya ang isang kilalang personalidad na kasamahan nito.

Hanggang ngayon, umaasa si Presidentiable kuno na magbabago ang isipan ng mga kasamahan sa organisasyon at ibigay sa kanya ang kapangyarihan o karapatang maging standard bearer kahit ga-hibla ang popularity rating at hindi pa kayang makabuo ng isang barangay ang supporters nito.

Walang interes tumakbong Vice President ang kinukukursunadang running mate ni Presidentiable kuno kung kaya’t ayaw makipag-usap ng opisyal subalit ayaw pa rin itong tantanan ng kumag, kalakip ang hangaring magbago ang isipan.

Bago si Presidentiable kuno, isa pang ambisyosong presidentiable ang naunang nakipag-usap sa kilalang personalidad na tumakbong Vice President nito subalit nagdadalawang-isip ang opisyal lalo pa’t maaaring malasin ito.

Natunugan ni Presidentiable kuno ang ginagawang ‘panliligaw’ ng kalabang presidentiable sa kilalang personalidad kung kaya’t gustong unahan ang kasamahan sa partido dahil namimiligrong ma-etsapuwera sa selection process ang mokong.

Clue: Guwapings ang kilalang personalidad habang meron letrang “N at D” sa kabuuan ng pangalan at apelyido si Presidential kuno, as in Nakakasukang Dalhin sa 2010.(mgakurimaw.blogspot.com)