Monday, September 14, 2009

september 14 2009 abante tonite

Konyong solon astang kingfisher
(Rey Marfil)

Lalo pang lumabas ang kaduwagan sa giyera ng isang mambabatas matapos magtago sa palda ng kilalang personalidad upang makaiwas sa pag-atake ng sariling kasamahan sa partido.

Dati-rati’y walang boses sa loob ng partido ang konyong solon at kalaban ang lahat ng mga miyembro kung kaya’t naetsapuwera ito, ngayo’y nagsisiga-sigaan at umaastang ‘kingmaker’ ang kumag gayong mukhang ibong ‘kingfisher’ sa tabi ng aplaya.

Katulad ng ibong kingfisher na nagbabantay sa pagbaba ng tubig-dagat o low tide para manghuli ng isda, matinding pagbabantay ngayon ang ginagawa ng konyong solon sa bagong ka-tropa na dating kalaban sa partido, kalakip ang hangaring mabigyan ng promosyon at gawing No.2 man lang sa 2010 election.

Ang tanging ikinasusuka ng mga kurimaw, sa pangunguna ng TONITE Spy, ginagawang ‘human shield’ ng konyong solon ang kapatid ng kasamahang solon upang hindi mapuruhan sa pag-atake ng kalabang paksyon sa loob ng partido gayong puntiryang makakuha ng reward ito.

Sa mahabang panahon, walang inatupag ang konyong solon kundi upakan sa media interview ang kasamahang solon, as in walang puknat ang pang-iintriga at pagbatikos dito, maging sa bagong kaibigang solon.

Una pang nagpagamit ang konyong solon sa isang outsider presidentiable upang wasakin ang kasamahang solon, sa pamamagitan ng mga maanghang na komento kung saan nagtagumpay naman sa kanyang misyon dahil napaatras sa laban ito.

Nang magkaupakan sa media interview, nabisto kung anong klaseng tao ang konyong solon, partikular ang pagiging ‘walanghiya’ at walang utang na loob’, katulad sa expose ng kampo ng kasamahang solon.

Clue: Kundi nakapag-asawa ng kilalang ‘kapamilya’, kasing-kunat ng singaw na kornik kung mananalo ang konyong solon. Ito’y meron letrang “K” sa palayaw, as in Kuya ng isang personalidad. Kung senador o kongresista, ipagtanong sa mga nagtitinda ng mga binatog. (mgakurimaw.blogspot.com)