Tuesday, September 15, 2009

sept 15 2009 abante tonite issue

Kapamilya vs Kapuso sa 2010!
Rey Marfil


Kahit saang coffee shops, mapa-brewed coffee o kaya’y ‘3-in-1’ ang order, iisa ang kuwentuhan ng mga media, sampu ng mga tambay sa karinderya -- kinawawa ng Liberal Party ang fiancĂ© ni Ate Korina, malinaw ang nangyaring kudeta at de­retsahang hiningi ni Kuya Noynoy ang pagiging standard bearer. Maraming kuwento kung bakit umatras si Mar Roxas, kesyo inunahan ang Tito Noy ni Joshua dahil planong mag-leave sa Libe­ral. At sa takot ni Boy Pad­yak magkahati-hati ang Liberal at maakusahang makasarili, ganid at suwapang, ito’y napilitang mag-back out upang isalba ang Liberal. Mantakin n’yo, pagkatapos isubo si Roxas sa laban at pagastusin ng humigit-kumulang P500 milyon sa TV ads, big­laang ‘sorry na lang’ at better luck next time!
Ang nakakatawa lamang, animo’y na-karma si Roxas sa pagbaliktad ng mga kasamahan, aba’y umeskapo patungong China si Frank Drilon nang maganap ang pag-atras sa laban. Balikan ang taong 2005, hindi ba’t bakasyon-grande sa Amerika si Roxas, kasama ang fiancĂ©e na si Ate Korina sa panahong sumigaw ng Gloria Resign ang tropa ni Frank at Black and White Movement? Ngayong bumaba sa padyak si Roxas at isinakay si Kuya Noynoy, hindi ba’t iisang grupo rin ang nagtulak? Kung si Kuya Noynoy lang, maaa­ring kapakanan ng ba­yan ang nasa isipan subalit suriin ang mga nagtutulak, hindi ba’t puro nalaos sa pulitika at naghahangad makabalik sa kapangyarihan. Kaya’t hindi ikagugulat ng mga kurimaw kung maiba ang kahulugan ng Li­beral bilang Lumang Pulitiko (LP) o kaya’y mauwi sa ‘Li­bertad Party’, aba’y nagba­baliktaran!
***
Napag-usapan ang 2010 elections, sa ngayon, maba­ngo si Kuya Noynoy sa publiko dahil likas sa Filipino ang pagiging maawain at malambot ang puso kapag namata­yan ang isang tao, ito’y malinaw sa survey. Ang tanong lamang ng mga kurimaw: paano isu-sustain ng tropa ni Kuya Noynoy ang magandang ra­tings lalo pa’t mag-iiba ang kapaligiran pagsapit ng November 30 at kalokohan kung walang gagawin ang ‘demolition job department’ ng ibang presidentiable. Sa tingin n’yo, mananahimik si Manny Villar lalo pa’t nalaglag sa survey, eh nakasanayan ang No.1 sa SWS? Sa malamang, lahat ng nakarelasyon ni Kris Aquino, simula pagkabata hanggang magpakasal kay James Yap, mababalikan kapag nagsimula ang kampanya.
Sa ngayon, si Kuya Noynoy ang mabango dahil bitbit ng Channel 2 at kahit walang kuwentang balita, ito’y nagiging isyu, malinaw ang trending scenario sa limitadong SWS survey. Paano kung magdeklara sina Loren Legarda at Chiz Escudero at makuha ang suporta ni Erapsky, maging iba pang ka-tropa sa oposisyon? Hindi maaaring angkinin ni Kuya Noynoy ang pagiging oposisyon lalo pa’t dating kaal­yado ni Mrs. Arroyo. Isang bagay lang ang malinaw sa 2010, ito’y labanan ng dalawang (2) giant TV network, as in “Kapamilya vs Kapuso”. Kaya’t ang tanong ng mga kurimaw: papayag ba ang GMA-7 mamayagpag sa pulitika ang mga bataan ng Channel 2? Kung kanino nakataya ang Kapuso network, tanging si Mr. Jack Duavit ang makakasagot! (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: