Saturday, September 26, 2009

september 26 2009 abante tonite

Magka-tropang pulitiko,
nagsaksakan nang patalikod
(Rey Marfil)

Hindi pa man nagsisimula ang tunay na bakbakan sa pangangampanya, maagang nagkakagirian at nagkakatrayduran ang kampo ng isang presidentiable at running mate nito, patunay ang pagsusumbong sa ibang kampo.

Sa impormasyong nakalap ng TONITE Spy, maagang nagpapa-‘plastikan’ ang nakakalbong presidentiable at kinuhang running mate dahil mayroong kinikimkim na galit o samaan ng loob ang bawat isa, hindi lamang sa hanay ng mga taong nakapaligid sa kanilang kampo kundi sa mga kamag-anakan.

Ang nakakatawa lamang, mistulang ‘shock absorber’ang isang guwapitong presidentiable dahil iisa ang pinagsusumbungan ng dalawang pulitiko, as in parehong tinatawagan para ipaalam ang personal na problema ng bawat isa.

Malapit sa guwapitong presidentiable ang nakakalbong presidentiable at kamakailan lamang naging ‘close’ ang kinuhang running mate sa una matapos magkasama sa isang bubungan ang mga ito.

Sa harap ng guwapitong presidentiable, winawakwak ng nakakalbong presidentiable ang kinuhang running mate nito kung kaya’t hindi maiwasang pagdudahang gimik lamang ng dalawang pulitiko ang ganitong diskarte para himukin sumama sa kanilang kampo ang una.

Kung anu-anong paninira ang isinusumbong ng nakakalbong presidentiable laban sa kanyang running mate kapag kausap ang guwapitong presidentiable, kahalintulad din ng sumbong ng kasamahan kapag kausap sa telepono ang nabanggit, as in nagsasaksakan nang talikuran ang dalawang pulitiko.

Ilan lamang sa sumbong ng kanyang running mate laban sa nakakalbong presidentiable, ito’y plastic, ambiyoso at walang sinseridad bilang kaibigan, patunay ang ginawang pagkukunyari o hunyango sa mahabang panahon ng kanilang pagsasama.

Kabaliktaran sa ginawang pagsasaksakan nang talikuran ng nakakalbong presidentiable at running mate nito kapag kausap ang ibang kampo, animo’y nilalanggam sa ‘ka-sweetan’ ang dalawang pulitiko dahil kung anu-anong papuri sa bawat isa ang inaanunsiyo sa media at itinatangging may samaan ng loob.


Clue: Parehong konyo ang nakakalbong presidentiable at kinuhang running mate at iisa rin ang hilig sa babae habang hindi pa nagdideklara ang guwapitong presidentiable. Kung senador o gabinete ang tatlo, ito’y ipagtanong sa mga ex-cabinet na uhaw sa kapangyarihan na ngayo’y nasa kampo ng dalawang pulitiko.

(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: