Thursday, January 8, 2009

SEARCH Abante-Tonite
EDITORIAL & OPINION
Durog sa droga
Hindi patas kay Sonny
Social users
Bahay sa tabing-dagat

Hindi patas kay Sonny
Rey Marfil

Labing-walong buwan bago ang 2010 presidential election, unti-unting lumilinaw ang intensyon ng Lakas-CMD na suportahan si Vice President Noli De Castro Jr. Sa madaling salita, nagsayang lamang ng load ang ‘ba­yaning isinusuka ng mga vendor’ -- si MMDA chairman Bayani Fernando para manalo sa ‘Celebrity Duets’ ng GMA-7. Mantakin n’yo, nagpakapagod sa kapa-practice si Fernando sa pamosong sayaw ni Bayani Casimiro, ka­tulad sa programang ‘Okey Ka Fairy Ko’, pagkatapos maietsapuwera rin lang sa final list at walang kahirap-hirap pang masusungkit ni Uncle Noli ang bendisyon ng Lakas-CMD. Kung ganito rin ang kanyang kapalaran, dapat pagda-drama ang sinalihang kompetisyon ni Fernando para napaghandaan ang ‘crying scene’.

Kaya’t dobleng-ingat ang dapat gawin ng driver ni Lakas-CMD executive director Ray Roquero kapag napagawi ng Metro Manila, posibleng katakut-takot na violation ang abutin sa mga tauhan ni Fernando kapag nasita sa pagmamaneho. Isipin n’yo nga naman, lahat ng pagpapa-pogi sa telebisyon, ito’y ginawa ni Fernando at tatablahin lamang ni Roquero. Sabagay, kahit nagmumukhang ‘kenkoy’ sa Celebrity Duets, laway lang naman ang puhunan ni Fernando dahil hindi naman nagmula sa kanyang bulsa ang ipinambili ng gasolina at krudo sa mga heavy equipments at MMDA trucks na nagparada sa Maynila para batiin ng ‘Congratulations’ ang kanilang amo. Ang abangan ni Fernando kung paano sasalagin ang init ng ulo ni Sen. Miriam Santiago kapag isinalang sa hot seat ito. Sa malamang, pamilya lamang ni Fernando ang matitirang respondents sa presidential survey at mababawasan ang nakuhang 1%!
***
Hindi hadlang ang rehas kay opposition Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV, malinaw ang inihaing proposed bill upang sampolan ang mga tiwaling contractor at sub contractor sa lahat ng public works projects. Sa ilalim ng Senate bill No. 2944, papatawan ng 12 taon hanggang 20 pagkakabilanggo at pagbabawalang pumasok sa mga kontrata ng gobyerno ang mga contractor at sub contractor, indibidwal man o korporasyon, kapag nasangkot sa pagtatayo ng mga dispalinghadong gusali, tulay, kalsada, palengke, kabilang ang multang 50% hanggang 200% mula sa kabuuan ng kontrata.

Ibig sabihin, mas kapaki-pakinabang si Trillanes bilang senador kung nasa labas ng PNP Custodial Center kumpara sa ilang kasamahang mambabatas na walang inatupag kundi dumalo ng ribbon cutting, mag-cutting class at kung anu-ano pang estilo ng pagbubulakbol sa session hall.

Sayang ang talento ni Trillanes, isama natin ang pagiging Navy seal, Class mathematician, maging ang na­tutunan sa Philippine Military Academy (PMA) kung nakatengga lamang sa apat na sulok ng selda ng PNP Custodial Center. Kung binibigyan ng presidential pardon ni Mrs. Arroyo ang mga kriminal at iba pang uri ng mga taong halang ang kalululuwa, bakit hindi magawa kay Trillanes na itinaya ang buong buhay at career para imu­lat ang publiko sa malawakang katiwaliang nagaganap. Sabagay, lahat ng nagsasabi ng katotohanan, napaparusahan pero ang mga kawatan ang naililigtas sa kasala­nan. Kahit itanong n’yo pa kay Million Dollar Man, ‘di ba ex-DOC Sec. Nani Perez?

Kaya’t napakalaking katarantaduhan ang pag-angal ng ilang administration senator sa teleconferencing na inila-lobby nina minority leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., at opposition senator Panfilo ‘Ping’ Lacson, maliban kung sadyang nagpapadikta kay Mrs. Arroyo sina Miriam Defensor-Santiago, Dick Gordon at Joker Arroyo kaya’t hinaharang ang karapatang nais ibigay kay Trillanes. Anyway, hindi natin babanggitin ang pangalan, dalawa sa administration senators ang nagkumpirmang meron ‘direct order’ ang MalacaƱang para harangin ang resolusyon at pagbabago ng Senate Rules. Dito masusubukan si Se­nate President Juan Ponce Enrile lalo pa’t nagawang bumisita kay Trillanes at ipinangako ang teleconferencing! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: