Sa kaalaman ng mga nagtitinda ng kornik at binatog, malinaw ang ‘power play’ kung bakit halos magmukhang pusang nakuryente ang buhok ni Lola Miriam Santiago sa tindi ng galit nang mabalitaang ililipat ang hurisdiksyon ng road scam probe -- ito’y konektado sa iringan nina Mr. Noted at Mr. Palengke sa loob ng Liberal Party (LP). Bago bumula ang bibig ni Lola Miriam sa floor, ilang araw nang nai-refer sa committee on economic affairs lahat ng resolusyon at kasado na ang imbestigasyon, kabilang ang inisponsoran ng boypren ni Ate Koring -- si Senator Manuel Araneta-Roxas kaya’t nakahanap ng ‘bala’ si Mr. Noted upang resbakan si Mr. Palengke, maliban kung nagpasulsol sa mga kasamahan sa minority? Ang pagkakaintindi ni Senator Pangilinan, hawak ni Roxas ang economic affairs committee kaya’t pinalilipat sa Blue Ribbon committee at huli nang lahat nang malaman nitong ang kanyang professor sa University of the Philippines (UP) -- si Lola Miriam ang bagong chair. Take note: magkapartido ang dalawa subalit wala sa liderato ni Roxas ang loyalty ni Mr. Noted kundi sa Wednesday Group. *** Napag-usapan ang Blue Ribbon committee, mabuti na lang, hindi natuloy ang pagta-transfer ng road scandal probe dahil kinakabahan ang mga taga-Office of Sergeant at Arms (OSAA) ngayong inaatake ng financial crisis ang buong mundo, aba’y posibleng ma-lay off lalo pa’t inaagawan ng trabaho ni Wow Dick Gordon. Kaya’t makatwiran lang ireklamo ni ex-Cong. Dante Liban, aba’y hindi lang ‘double job’ ang ginagawa ni Gordon bilang senador at chairman ng Philippine National Red Cross (PNRC), ito’y bagong tauhan ni OSAA chief Jose Balajadja at tinanggalan ng trabaho ang mga taga-Page sa last day hearing ng fertilizer probe. Kaya’t huwag ipagtaka kung bumangon sa kanilang libingan ang mga de-kalibreng senador na nakahimlay sa pagitan ng Makati at Taguig. At sa malamang, nananaghoy ang mga katropa ni dating senador Claro M. Recto sa sementeryo tuwing makikitang sinosolo ni Gordon ang pagtatanong sa Blue Ribbon at inaagawan ng papel ang mga legislative staff. Mantakin n’yo, naturingang chairman ng komite, mismong si Gordon ang umiikot at simula umaga hanggang dapit-hapon, iisang boses ang audio ng mga radyo. Sabagay, ito’y kasalanan ng dzXL, dzBB, dzMM, dzRH at dwIZ, maging ANC-21 at QTV-11, aba’y, subukan n’yong huwag ipa-live coverage ang buong public hearing, malabong magka-flashflood ng laway sa committee room! *** Katulad ng kasabihang ‘pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy’, sila-sila pa rin ang nagkikita sa ‘finals’. Kung susuriin ang road scandal, balik lahat kay Jose Pidal gayong pitong taon na ang nakakalipas. Ibig sabihin, simula nang maupo si Mrs. Gloria Arroyo noong 2001 hanggang ngayon, iisang karakter ang nasa paligid ni First Gentleman Mike Arroyo at mala-Manila Bank na ‘nagbabalik’ sa expose ni Udong Mahusay. Sadyang ‘napaka-busilak ng kalooban’ ni Big Mike, katulad ng paboritong litanya ni Atty. Jess Santos, aba’y sino nga ba naman ang hindi magiging ‘mapagbigay’ kung kaharap ang may-ari ng tatlong construction companies na nagsasabwatan para makorner ang multi-bilyong kalsadang pinondohan ng World Bank? Ngayong nagbabalik sa alaala ng sambayanan ang Jose Pidal scandal at nahalukay ang koneksyon ni Big Mike kay Eduardo de Luna ng E.C. De Luna Construction, maging ang P70 milyong ‘padulas’ na sumabog sa gitna ng 7th at 8th floor sa LTA Building, Makati City noong 2002, sa malamang, patuloy pa ring pinagsisisihan at isinusumpa ngayon ng ama ni Lion King ang araw kung saan tumayong ninong sa kasal ni Udong Mahusay. Ang masaklap, muling nabuksan ang diary ni Big Mike at maraming karakter ang dumalaw sa kanyang opisina, katulad nina Resty De Quiroz, Boy Belleza, Willy Tecson at iba pang kontratista. Tandaan: not once but twenty times nagpabalik-balik sa building ni Big Mike ang mga karakter na nakapaloob sa diary na itinakas ni Udong Mahusay, hindi lamang si De Luna kundi iba pang tumatambay sa Perea Street, pati si Jocjoc Bolante, nakipag-meeting sa tropa. Hindi malayong konektado sa fertilizer scandal ang road scam lalo pa’t road user’s tax ang inilabas ng MalacaƱang. Talagang ‘small world’ para sa kanilang lahat at iisa ang laman ng bawat isipan kapag ipina-flashback ang nakaraan, ‘Pahamak si Udong Mahusay’. Ang leksyon: huwag magsusulat sa diary, mag-Ensure para hindi magka-memory gap kapag merong lakad para walang ebidensya! (www.mgakurimaw.blogspot.com). |
No comments:
Post a Comment