Hindi ‘two things’ o dalawang bagay na paboritong litanya ni Sen. Manny Villar Jr., sa alinmang media interview ang multi-milyong rason kung bakit napakaagang idineklara ni ex-Cong. Gilbert Remulla ang kandidatura ng kanyang amo. Hindi kailangan pang magpaikut-ikot, katulad sa mga lupaing pinagdaanan ng C-5 Road project, isang bagay lang ang naglalaro sa kanilang isipan ngayon, kailangang maikabit sa pulitika ang pagsasalang sa ethics probe kundi walang mukhang maihaharap sa 2010 presidential election ang Nacionalista Party (NP). Iyan ang mala-‘Halimaw sa Banga’ na senaryong ikinakatakot ni Aling Matet habang ipinapasyal ang asong kalyeng napulot sa isang tabi! Ilan sa ikinunsiderang NP’s 12-man senatorial slate -- sina reelectionist Sen. Pia Cayetano, Rep. Teofisto “TG” Guingona, Iloilo Vice Gov. Rolex Suplico, ex-Sen. Agapito “Butch” Aquino, Rep. Eduardo Zialcita, at Rep. Ronaldo Zamora pero ang deklarasyon ni Kuya Gilbert: “Wala pang VP (vice president). Naghahanap pa. Pero we will field a full slate up to last councilor.” Ang tanong ng mga kurimaw, bakit kakapiranggot ang NP senatoriables kung pupunuin ni Villar hanggang municipal level ang kanilang ticket? Kahit sinong ‘row four’ sa arithmetic at malapit sa basurahan, maiintindihan na ‘mabibilang sa kuko ng aso’ ang may kakayahang manalong senador kung pagbabatayan ang press release ni Kuya Gilbert! *** For a Change, ika ni US President Barack Obama, labas tayo sa pulitika. Bakit hindi pag-isipan ni Boss Henry Cojuangco ang pagsibak sa basketball team coach ng San Miguel Beer (SMB), aba’y napakaraming panatiko ng SMB team sa Philippine Basketball Association (PBA), sa pangunguna ng Spy ang bad trip sa coaching style ni Siot Tanquingcen. Sa pagkabigong makapasok sa Finals, hindi player ang problema kundi mismong nagtitimon sa tropa, kahit itanong n’yo pa kina Pareng Rolly Carandang (Tempo) at TJ Burgonio (Inquirer), ilan lamang sa ‘die hard fans’ ng Beermen sa hanay ng media. Ayokong husgahan ang kaisipan ni Tanquingcen sa pagtitimon ng koponan subalit makikitang sablay ang diskarte sa pag-ikot ng tauhan. Kahit minamalas at malapit ng sabitan ng ‘graduation medal’, ito’y ibinababad kaya’t fouled out. Mantakin n’yo, consistent sa No. 2 ang SMB sa elimination round subalit napagtatalo at napunta sa wild card. Hindi lang iyan, pagkatapos pahirapan ni Tanquingcen ang tropa sa wild card, ipatatalo rin lang naman pala sa semi-finals. Sa next conference, bakit hindi sibakin si Tanquingcen at palitan ni assistant coach Pido Jarencio. Take note: napag-champion ni Jarencio ang University of Santo Tomas (UST) kahit mas maraming de-kalibreng player ang Ateneo noong 2006. Ni sa panaginip, ayokong isiping mas madiskarte at matapang si coach Pido sa tunay na laban, katulad sa panahong namamayagpag sa Barangay Ginebra. Kahit itanong n’yo pa kay Police Supt. Danilo Macerin ng Firearms and Explosive Division sa Camp Crame. Kung katulad lahat ni Col. Macerin ang nakaupong opisyal ng PNP, hindi malayong may patutunguhan ang pambansang pulisya, aba’y napakasipag at napakaagang pumapasok ng opisina. Higit sa lahat, magalang at masayang kausap. Kaya’t hindi nakakapagtakang itinalagang hepe ng Records Branch sa Firearms and Explosive Division dahil maganda ang track record at performance ni Col. Macerin bilang dating hepe ng Antipolo City, Rizal Province gayong karamihan sa mga ka-batch, ito’y ipinatapon sa malalayong probinsya. Sa madaling salita, ang katulad nina coach Pido ang kailangan sa SMB at Col. Macerin sa PNP! *** Napag-usapan ang pagsibak, isang malaking insulto sa tanggapan ni MTRCB chair Consoliza Laguardia ang pagtanggi ng isang sinehan sa SM Bicutan sa MTRCB card holder. Hindi natin babanggitin ang nagreklamo subalit nainsulto sa binitawang pahayag ng isang usher sa Cinema 4 na naka-assign sa pelikulang Transporter 3, aba’y pinagsabihan ang card holder ng ‘walang MTR, MTRCB dito’. Kung marunong magbasa ng diyaryo ang pamunuan ng SM Bicutan, baka puwede n’yong ipatawag sina Princess Planco at Eduardo San Jose o kaya’y pagsisibakin para matuto sa buhay. Kundi rin naman pala mapakikinabangan ang ‘green card’ at mapapahiya sa takilyera ang card holder, mas makakabuti pang tigilan ni Laguardia ang pamimigay ng passes sa sinehan. (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment