Friday, January 16, 2009

jan 13 2009 abante tonite issue



Don King ng Pinas?!
Rey Marfil

Hindi kailangan pahulaan kay Jojo Acuin ang posibleng pagkaantala ng 2010 presidential election dahil kahit rugby boys sa ilalim ng LRT station, abot sa kanilang kaalaman kung gaano ka-desperada ang ina ni ‘Lion King’ na palawigin ang termino sa dami ng anomalyang sinabitan.
Kaya’t makatwiran lamang na bantayan ang mga iuupong mahistrado ni Mrs. Arroyo sa Korte Suprema kung hindi ‘tapos ang boksing’ kapag nalingat ang oposisyon sa ‘killer punch’ ng MalacaƱang. Ika nga ni Bro. Mike Velarde ‘Tiyak iyon’ at siguradong mai-etsapuwera ang Upper House sa botohan at tuloy ang joint voting via Constituent Assembly (Con-Ass).
Kung nagiging manhid ang publiko sa mga nangyayaring katiwalian, ganito rin ka-manhid ang MalacaƱang sa pagbatikos ng media kaya’t gagawin lahat ng mga kaporal ni Jose Pidal upang ma-extend ang termino ni Mrs. Arroyo kundi ‘tapos ang maliligayang araw’ ng mga kumag.
At isa sa ‘Fear Factor’ ng Arroyo boys, sampu ng First Family -- ang maubos ang kanilang kayamanan kapag idineklarang ill-gotten wealth ang lahat ng naipundar, maliban kung aampunin ang kanilang pamilya ng nakaupong hari sa Spain dahil walang extradition treaty dito. Sabagay, puwede naman retroactive ang tratado at madaling makipagkasundo sa hari, sinuman ang mananalong Presidente sa 2010!
***
Napag-usapan ang boksing, bago pangarapin ni DENR Secretary Joselito ‘Lito’ Atienza Jr., ang revamp sa kanyang opisina, bakit hindi unahing baguhin ang sarili. Paanong paniniwalaan ng publiko ang pagbabagong imahe kung mismong gabinete, walang kredibilidad upang itimon ang departamento.
Mantakin n’yo, sa tuwing may laban si Manny Pacquiao, hindi magkandaugaga si Mang Joselito kung paano umangkas sa biyahe para makapanood ng live sa Las Vegas at nagagawa pang iwanan ang opisina. Take note: Kamuntikan nauwi sa ‘zero budget’ ang DENR sa huling laban ni Pacman dahil mas mahalaga kay Mr. Instant Ayos ang boksing keysa annual budget ng kanyang opisina.
Kahit araw-araw pang magpatupad ng reorganization o revamp sa DENR si Mang Joselito, hindi matitigil ang pagka-kalbo ng kagubatan at pagkaubos ng mga likas-yaman kung walang sariling palo ang opisyal. Kung si Loren Legarda, hanggang pagtatanim lamang ng puno ang ending ng Luntiang Pilipinas, ano pa kaya ang ama ni Kuya Kim kung maraming maimpluwensyang nilalang ang tumatawag at pinapalagan ang log ban.
Take note: ‘lagpas-Las Vegas’ ang pangarap ni Mang Joselito na makarating ng Upper House at suicide sa 2010 national election kung kakalabanin ang mga tinaguriang ‘political kingpin’ sa iba’t ibang probinsya, katulad ng mga gobernador at kongresistang humihirit ng mining permit, gamit ang pangalan ng mga kaibigang negosyante at ilang kapamilya.
Hindi lang iyan, mapa-ring side o parada, palaging nakasiksik ang ma-bulaklaking kasuotan ni Mang Joselito kay Pacquiao at panay ang kaway, animo’y ang anak ang nakipagbangasan ng mukha kina Antonio Barrera, Eric Morales at Oscar Dela Hoya, katulad din ni ex-Ilocos Governor Chavit Singson, aba’y iniwanan ang NICA headquarters para manood sa Amerika, animo’y hindi matutuloy ang bakbakan kung wala sa tabi ni Pacman, maliban kung ‘pakunsuelo de bobo’ ang appointment bilang deputy National Security Adviser para masabing meron trabaho dahil walang mapaglagyan si Gloria?
Sabagay, nakaugalian ng pamilya Atienza ang umaangkas sa parada, mapaanak at manugang, katulad nina ex-Cong. Miles Roces, Kuya Kim at defeated mayoralty candidate Ali Atienza. Hindi bago ang ganitong eksena sa tuwing panalo si Pacman!Kung naglipanang kurimaw sa Quezon City Circle ang tatanungin, mas makakabuting iwanan ni Mang Joselito ang pagiging DENR Secretary at i-concentrate ang trabaho bilang alalay ni Pacman o kaya’y tumayong promoter lalo pa’t matagal nang nalaos si Don King sa boxing industry.
Anyway, hindi nagkakalayo ang pangangawatan nina Mang Joselito at Don King. Ibig sabihin, isang matinding ‘instant ayos’ lang sa porma ni Mang Joselito, maaring tapatan ang mala-Trull hairdo ni Don King, as in konting suklay at roll ng buhok, ito’y magmumukhang Don King ng Philippine boxing. At least, pang-Guinness Book ang bagong boxing promoter na makikilala ng buong mundo, as in isang ma-bulaklaking Don King ang maghahari sa boksing!(www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: