Tuesday, August 12, 2008

spy on the job aug 12 2008 issue abante tonite

Ang telenovela ng Liberal!
Rey Marfil


Ang banat ni Big Brother Frank Drilon sa Malacañang -- isang ‘cover-up’ sa term extension ni Mrs. Arroyo ang peace accord sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang hirit naman ng boypren ni Ate Korina Sanchez -- sibakin si presidential adviser on peace process Hermogenes Esperon. Ang malaking sampal sa liderato ng Liberal Party (LP), aba’y sariling tauhan ni Mar Roxas ang nag-draft ng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) -- si Atty. Camilo ‘Bong’ Montesa. Take note: si Montesa ang director-general ng Li­beral Party habang si Drilon ang national chairman at si Mar Roxas ang Presidente.
Hindi simpleng miyembro ng government peace pa­nel si Montesa -- ito’y legal adviser, eh sino bang nasusunod sa mga desisyon, hindi ba’t taga-bulong? Ang nilalaman sa press statement ng LP national headquarters: “Atty. Montesa took leave of absence before going to Kuala Lumpur to take part in the GRP-MILF peace talks. His leave of absence was filed to avoid any prospective conflict with the position of the Liberal Party in connection with the peace talk”. Ang tingin yata ni Cavite Cong. Joseph Emilio ‘Jun’ Abaya, LP secretary general, eh ‘bopols’ ang publiko at ‘ngayon lang ipinanganak’ ang 80 milyong Pilipino, aba’y ginawang depensa ang pag-leave ni Montesa sa partido noong Hulyo 31 para malusutan ang kritisismo.
Ibig sabihin, walang kredibilidad ‘magkiyaw-kiyaw’ ang grupo ni Drilon kung bakit kamuntikan ‘naibenta’ sa MILF ang 700 barangay dahil mismong tauhan ang magpapahamak sa mga taga-Mindanao. Ni sa panaginip, ayokong isiping diversionary tactic ng Liberal Party ang pag-iingay sa media lalo pa’t tauhan ang itinuturong ‘promotor’ sa pagda-draft ng MOA, maliban kung kinurot ng konsensiya si Montesa o gustong iangat ni Roxas ang po­pularity kaya’t nagtapang-tapangan sa MOA signing lalo pa’t No. 6 sa mga presidential survey at No. 3 sa senatorial race. Ano kayang masasabi ni SP Manny Villar sa pagkakalat ng mga taga-Liberal Party?
***
Napag-usapan ang press conference, kung intensyon ng Liberal Party na ilabas ang katotohanan at walang ‘hidden agenda’ sa pag-iingay laban sa Malacañang, bakit naka-zipper ang bibig ni Roxas sa mala-telenobelang press conference noong Agosto 7, kasama si North Cotabato Vice-Gov. Manny Piñol gayong pakalat-kalat lamang si Montesa sa Senate lounge? Mantakin n’yo, inilabas lamang ni Abaya ang job description ni Montesa sa GRP-panel noong Agosto 8, isang araw matapos maispatan ng mediamen si Montesa sa press conference at madiskubreng director general ng Liberal Party ito. Hindi ba’t kaibigang matalik ni Piñol si ex-Cabinet Secretary Silvestre ‘Yoyong’ Afable na ngayo’y think tank ni Roxas?
Hindi lang iyan, bago hiningi ni Roxas ang resignation ni Esperon sa isang press conference noong Agosto 6, araw ng Miyerkules, kontodo-depensa si Montesa sa nilalaman ng MOA sa mga media interview habang nasa Kuala Lumpur. Kalokohan kundi naimpluwensiyahan ng mga bossing sa partido ang isipan ni Montesa bilang adviser ng peace pa­nel. Take note: nagkalat ang kable ng ANC-21 sa press conference ni Roxas, as in live coverage at ginawa pang ‘props’ ang Senate media -- ito ba’y isa sa epekto ng ‘kapraningan’ ni ex-Press Undersecretary (Usec) Bobby Capco bilang adviser ni Mr. Palengke? Anyway, nagtatanong ang mga kurimaw kung bakit hindi nagpakita si Capco sa Senate repor­ters, eh wala namang airport police sa Media Center na sisita at kakapkap sa kanyang bulsa o wallet?
Sa press conference, nagawa pang mag-angas ng tumatayong ‘floor director’ ng ANC-21, aba’y sinita si Nino Aclan, reporter, habang nagtatanong kay Roxas. Ang feeling ng ANC-21, kanilang pag-aari ang boypren ni Ate Koring at exclusive interview ang press conference sa Se­nate media, maliban kung sa script ng Liberal Party ang magkunwaring pinagkakaguluhan si Roxas at kasapakat ang ANC-21 sa telenovela. Teka lang, hindi ba’t miyembro ng Liberal Party si Ricky Carandang?
(www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: