Thursday, August 7, 2008

aug 7 2008 spy kolum abante tonite issue

Nasa tono ni Pelaez!
Rey Marfil


Balikan ang iba’t ibang dollar accounts at US assets na ibi­nibintang kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, pitong (7) taon ang nakakaraan -- ito’y bumalik sa mukha ni Mrs. Arroyo at binawing lahat ni Blanquita Pelaez -- ang Filipino-American businesswoman na kinontrata ng Malacañang upang wasakin ang imahe ng senador. Ibig sabihin, ‘walang lihim na hindi nabubunyag’. Ang malungkot lamang sa panig ni Lacson, kung paano pinagpiyestahan noong 2001 sa mga peryodiko ang pagtatahi ng kasinungalingan ni Pelaez, ito’y kabaliktaran ng nakaraang Agosto 1, araw ng Biyernes, aba’y ‘pahirapan’ kung mababasa sa diyaryo. Kahit itanong n’yo kay birthday boy Senator Sonny Trillanes na nagdiwang ng kaarawan kahapon at mas matanda ng isang taon sa inyong lingkod.
Si Pelaez ang local agent ng Smith and Wesson nakipag-negotiate sa P50 milyong handcuff contract sa PNP noong 1996 su­balit tinabla ni Lacson ang pagbabayad nang maupong PNP chief sa panahon ni Erap Estrada. Ang rason: sobrang mataas ang presyo at lugi ang gobyerno kung kaya’t umabot hanggang California U.S.A. ang paghahabol ni Pelaez, kabilang ang pagsasampa ng civil case noong 2001 at nanalo ng US$3 milyon ang negosyante, alinsunod sa default judgment ruling ng korte sa kabiguan ni Lacson na sagutin ang reklamo. Dito nagsimula ang lahat at kinontrata ng Malacañang si Pelaez upang wasakin ang senador, gamit ang mga dispalinghadong bank accounts at assets sa US.
Bagama’t hindi nakakagulat ang kamay ng Malacañang, nagkaroon ng mukha ang lahat ng hinala ni Lacson at masakit ang katotohanang ‘kapwa-cavaliers’ sa Philippine Military Academy (PMA) ang nagpahirap sa mahabang panahon, partikular ang Class ‘78 na ikinanta ni Pelaez sa press conference bilang mastermind at tumayong ‘lead star’ sa demolition job -- si Major Gene­ral Delfin Bangit, ngayo’y hepe ng Philippine Army (PA) -- ito’y nagsilbing Presidential Security Group (PSG) chief ni Mrs. Arroyo. Ang ‘supporting cast’ -- sina Chief Supt. Rodolfo ‘Boogie’ Mendoza, retired Col. Victor Corpus, Mario Chan, Don Liscano, Mary ‘Rosebud’ Ong, Atty. Stephen Jarumay at ex-Inquirer reporter Christine Herrera. Take note: honorary member ng Class ‘78 si Mrs. Arroyo at close-in security si Bangit.
***
Napag-usapan ang ‘pagkanta’ ni Pelaez, malaking palaisipan kung bakit nagbago ng tono, maliban kung tinabla ng Malacañang ang mga ‘monetary request’ lalo pa’t US$200 libo, as in humigit-kumulang P10 milyon ang paunang offered ni Banker Bangit kay Pelaez nang ipatawag sa presidential garden para i-rehearse ang ginawang script. Mantakin n’yo, P3 milyon lang ang nakarating kay Pelaez, eh kahit sinong ‘contract star’, aangal kung P7 milyon pa ang balanse ng producer. Kaya’t hindi maiwasang magtanong ng mga kurimaw sa PSG headquarters kung ‘nagkabukulan’ sa talent fee, eh paano pa ang ‘tong-pats’ lalo pa’t uso ito sa Arroyo government?
Ang masakit sa panig ng 3 milyong Pilipinong sumasala sa pagkain kada araw, gumastos ng P6 milyon ang buong cast patungong Estados Unidos at walang napala ang mga ito. Ang resulta: gumawa ng script si Pelaez at sangkaterbang ‘tong-pats’ ang inilagay sa script para palabasing US$500 milyon ang US$18 libong dollar deposits ni Lacson sa Bank of America sa Los Angeles. Ang sabi ni Pelaez sa presscon ng nakaraang Biyernes: The President had “expressed disappointment over the results of the trip and that PMA Class of 1979 had let her down.” At naulit ang demolition job kay Lacson noong 2003, gamit ang script ng namayapang si NBI director Reynaldo Wycoco bilang resbak sa ‘Jose Pidal scandal’ na ibinunyag ng senador.
Mantakin n’yo, pagkababa ni Pelaez sa eroplano mula US, ito’y nagri-report kay dating Presidential Spokesperson Rigoberto Tiglao. Ang nakakagulat sa lahat ng expose ni Pelaez, ito’y direktang itinitimon ni ex-Press Undersecretary (Usec) Bobby Capco -- dating publisher ng Philippine Journal, as in lahat ng babasahing statement sa media at pag-atake laban kay Lacson -- ito’y script ni Capco at padi-direct ni Mike Arroyo, kabilang ang litrato ng umano’y mansion ni Lacson. Iyon pala’y pag-aari ni Pops Fernandez. Teka lang, hindi ba’t si Capco ang inaakusahang ‘adik’ ni dating PSCO media consultant Robert Rivero sa Senate hearing noong 2003. Ngayon, itanong n’yo kung nasaan si Capco -- ito’y adviser ni Senador Mar Roxas na ka-tropa ni Lacson sa Solid 8. What a wonderful world! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: