Sa ikalawang pagkakataon, nagka-iwanan sina ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada at Mayor Fred Lim. Ang deklarasyon ni Erap: Ito’y sanay nang iniiwanan ni Lim, katulad noong EDSA Dos. Si Lim ang DILG Secretary nang mapatalsik si Estrada at isa sa umakyat ng entablado sa EDSA Shrine, kasama ng civil society. Ang pagbalimbing ni Lim ang rason kung bakit natalo sa mayoralty race noong 2001 election dahil kinasangkapanan ni Mr. Instant Ayos, as in ex-Manila Mayor Joselito ‘Lito’ Atienza Jr., ngayo’y DENR Secretary ni Mrs. Arroyo ang ‘Walang Iwanan’ bilang campaign slogan. Ang nakakatawa lamang, iniwan din ni Atienza si Estrada at ‘nagpakabaon’ kay Mrs. Arroyo. Ika nga ni Susan Roces ‘not once, but twice’. At kapag paulit-ulit nagpapaloko ang isang tao, hindi kabaitan ang tawag kundi katangahan, ‘di ba birthday boy Volt Sagalongos? Ayokong isiping ‘nagkatablahan’ sina Lim at Estrada sa ‘operasyon’ ng Maynila at ‘pera-pera’ ang pinag-awayan ng magkaibigan, katulad ng text messages na kumakalat. Ilan lamang sa pinag-uusapan sa mga coffee shops ang pagbalewala ni Lim sa lahat ng ‘request’ ni Estrada gayong binuhusan ng resources ang buong kampanya, pati security personnel sa Tanay Rizal, ito’y ipinahiram. Mantakin n’yo nga naman, ‘all out war’ si Estrada kay Ali Atienza para makaganti sa ama pagtapos ‘tatablahin’ lang. Napakababaw kung pagkakasibak nina retired General Rudy Diaz at Bobby Calinisan sa City Hall o kaya’y pagkaladkad sa slaughter house ng isang konsehal ang pinag-ugatan ng away, maliban kung may kinalaman ang kontrata sa garbage collection kaya’t nagkasolian ng kandila lalo pa’t milyones ang kinikita sa basura? *** Napag-usapan ang katapatan, ayokong isiping kinatandaan ni Estrada ang ‘nagpapabola’ sa mga nagkukunyaring loyal at nakaka-jamming sa San Juan, maliban kundi nagtatanggal ng muta sa dalawang mata o tutule sa magkabilang tainga kaya’t hindi nakikita at naririnig kung sino ang mga tauhang tapat at hindi nang-iwan ng kaibigan. Kayat huwag ipagtaka kung mahahati ang oposisyon sa 2010 dahil pansariling interes ng mga nakapaligid kay Estrada ang isinusulong sa paghahanap presidentiable. Mantakin n’yo, sa halip pag-isahin ang kanilang puwersa laban sa administrasyon, aba’y walang ibang nasa isipan ang kanyang mga kampon kundi kumita sa eleksyon at pagkakitaan kung sino ang ‘kandidatong madatung’, hindi ang paghahanap ng matinong presidentiables na magbabago sa gobyerno. Ayokong magbanggit ng pangalan subalit madaling mahanap ni Estrada kung sino sa mga tauhan ang ‘pera-pera lang’ ang nasa kukote kaya’t ‘always present’ sa San Juan. Kundi nagkakamali ang Spy, ito’y isa rin sa ‘ingredients’ kung bakit ‘nagkatablahan’ sina Da King at Da Ping sa final noong 2004 polls. Ang rason: Walang magagandang ‘perks’ na makukuha ang grupo ni ‘Mr. BM’ kung si opposition senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ang naupong Pangulo samantalang ‘buhay-hari’ at hawak ang buong kusina ni Fernando Poe Jr. (FPJ) dahil marami pang ‘kakainin at bigas na isasaing’ ang namayapang aktor bago matutunan ang pagpapatakbo ng gobyerno. Ang nakadismaya lang, kung anu-anong ‘padding’ sa mga inaarkilang raliyista ni ‘Mr. BM’, ito’y pinagkakatiwalian ni Estrada at panay-bigay ng pera. Ngayong nalalapit ang 2010 election, mala-Jaworski ang pagbabantay ni ‘Mr. BM’ sa Polk Street upang masigurong ‘hawak’ ng kanyang grupo ang babasbasan ni Estrada. Take note: lima (5) ang presidentiable ng oposisyon at kung pera ang habol ni ‘Mr. BM’ sa kampanya, siguradong out si Lacson at kasing-dilim ni Jojo Binay kung ito’y ikukunsidera ngayon pang hindi man lamang nakakuha kahit ‘ga-hiblang boto’ sa SWS presidential survey habang pang-Vice ang arrive ni Chiz Escudero at malabo rin tayaan si Loren Legarda lalo pa’t nagsasawa sa babaing presidente ang mga Pinoy, maliban kay Edong Angara na kaibigang matalik ni Loren Sinta. Ibig sabihin, dalawa lang ang posibleng pinagpipilian ni ‘Mr. BM’, sampu ng mga tambay sa bahay ni Estrada, walang iba kundi sina Manny Villar at Mar Roxas. Ang problema ng boypren ni Ate Korina, salapi ng magulang ang ipanggagasta sa kampanya habang ‘Richie Rich’ si Villar, as in maraming ‘alkansiya’ si Mam Cynthia, hindi pa kasama ang mga row houses diyan. Na-gets kaya ni Bobby Capco ang pinupuntuhan ng mga kurimaw, maliban kung ‘tamang-praning’ pa rin lalo pa’t inakusahang adik ni ex-PCSO media consultant Robert Rivero sa Senate hearing? (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment