KO-RECTO KA DIYAN!
Sa inaabangang rigodon sa palasyo ng Malacanang, meron ‘nag-inarte’, katulad ni ex-Cong. Prospero Pichay, aba’y hindi raw nag-aapply pero handing tanggapin ang anumang alok ng misis ni Jose Pidal kapag pasok sa kanyang panlasa at credentials. Kung nanatiling ‘pangarap’ ni Pichay ang maging senador, katulad ng kanyang campaign slogan noong 2007 election, mas makakabuting kalimutan ang ambisyon- ito’y babangungutin lamang sa 2010 at minsan nang napatunayang hindi tutubo ang petsay dahil sementado ang Senado. Higit sa lahat, kailangan munang maintindihan ng publiko kung tao o gulay ito?
Ang nakakasuka lamang sa pag-inarte ni Pichay, iba ang deklarasyon sa media keysa nilalaman ng kanyang isipan dahil balitang ‘nagwawater-water’ ang talunang senatoriables sa puwesto ni Bureau of Custom (BOC) Commissioner Napoleon Morales. Ni sa panaginip, ayaw isipin ng mga kurimaw na parte ng ‘fund raising’ sa 2010 election ang pagnanais ni Pichay masungkit ang silya ni Mang Napoleon. Take note: isa sa ‘lucrative agency’ at pinamumugaran ng corruption ang Custom at numero unong bagsakan ng smuggled goods, eh saan ba madaling kumita ngayong panahon? Kahit itanong nyo pa kay NPC President Benny Antiporda.
@@@
Habang inaasahan ang pag-entra ni ex-presidential chief of staff Mike Defensor sa opening ng Ninoy Aquino International Airport-Terminal III, maugong ang pagpasok ng ‘Tito Ko’-si ex-senator Vicente ‘Tito’ Sotto III bilang chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB)-ito’y isang cabinet rank subalit hindi nagagamit ng mga naupong pinuno ng board ang kapangyarihang ibinigay ng Kongreso. At bilang sponsor ng batas, siguradong magpapasiklab si Sotto lalo pa’t illegal drugs ang malaking problema ng gobyerno at pinag-uugatan ng kriminalidad.
In fairness kay Sotto, makailang-beses nakausap ng Spy ang dating senador bago pa man lumutang ang pangalan bilang chairman ng DDB. Ni minsan, hindi nakitaan ng pagka-atat si Sotto makapasok sa palasyo dahil mas paboritong pag-usapan ang mga ‘joke’ sa sinasalihang noontime show. Ang masakit lang, nagmumukhang obsessed ang utol ni Vic Sotto na maka-puwesto dahil sa naglalabasang media report. Sabagay, talagang ganyan ang buhay, eh kahit mapa-Eat Bulaga, kabuntot ni Sotto ang mga intriga, katulad ng eleksyon, hindi ba’t na-tsismis kay Zsa-zsa Padilla, maging kay ex-senator Tessie Aquino-Oreta? Mabuti lang, malawak ang kaisipan ng mga asawa!
@@@
Napag-usapan ang rigodon, bago naibigay ang binakanteng silya ni Boy CD, as in ex-Press Secretary Ignacio ‘Tonting’ Bunye kay ex-presidential adviser on peace process Jesus Dureza, ito’y unang inalok sa mister ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto. Ang tingin ni Mrs. Arroyo, mas epektibong ‘ka-double’ si ex-senator Ralph Recto dahil guwapo, mestiso at mahusay magpaliwanag sa economic issue. Mabuti lang ‘Ko-Recto’ ang desisyon ng ama ni Ryan kundi maghihilamos ng batikos at kritisismo sa hanay ng opposition bloc sa tuwing ibubuka ang bibig para idepensa ang kanyang Mam.
Makailang-beses itinanggi ni Recto ang pag-apply sa gabinete ni Mrs. Arroyo-ito’y unang napabalitang ipapalit kay Finance (DOF) Sec. Gary Teves, pinakahuli ang pag-upong secretary general ng National Economic Development Authority (NEDA), kapalit ni Mang Tunying, as in Secretary Augusto Santos kaya’t goodbye ang pangarap ni Papa Romulo Neri makabalik ng opisina. Tutal, tag-ulan naman, ito’y ‘payong kaibigan’ lang, bakit hindi hintayin ni Ralph ang 2010 election, ito’y maraming mapagpipiliang presidentiables at least hindi maa-akusahang bata ni Gloria. Take note: malaki ang pag-asang makabalik ni Recto sa Upper House lalo pa’t No. 4 sa huling senatorial survey ng Social Weather Station.
No comments:
Post a Comment