Friday, June 13, 2008

spy kolum

NA-STRIKE 2 SI SINTA!

Ngayong Miyerkules, naka-iskedyul isalang sa confirmation ng Commission on Appointment (CA) si DOJ Secretary Raul Gonzales. Ang nakakatawa lamang, aba'y pang-Guinness Book of Records ang nakalistang oppositors ni Lolo Raul dahil umabot ng isang dosena at meron pang tatlong (3) naka-reserba. Sabagay, hindi nakakagulat kahit umabot ng isang milyon ang oppositors ni Lolo Raul lalo pa't maraming sugatan sa matalas na dila ng gabinete. Kung ang mag-inang Cory at Kris Aquino, maging si Susan Roces, hindi nakaligtas sa masamang tabas ng bunganga ni Lolo Raul, iyon pa kayang ordinaryong indibidwal na 'nagpila-balde' sa CA?

Sa pababalik ni Lolo Raul sa committee on justice ng CA, hindi lamang usapin sa sex escapade naunang ibinunyag ng kampo ni ex-Barangay chair Marietta Orleans ang binuhay laban sa gabinete kundi ang kaliwa't-kanang pang-aabuso sa kapangyarihan, katulad ng reklamo nina Party-list Rep. Satur Ocampo, Liza Maza at Luzviminda Ilagan. Kaya't payo kay Lolo Raul, mas makakabuting huwag nang magpagod lalo pa't hirap maglakad paakyat sa 2nd floor, ito'y siguradong bypass at 'aksaya-gas' lang ang pagpunta sa Senado ngayon pang pumapalo ang gasolina sa P53.00 kada litro, eh puro de-otso pa naman ang service car ng mga taong-gobyerno at buwis ng taong bayan sinusunog nito. Kahit itanong nyo pa kay birthday boy, senator Ping Lacson nagdiwang ng kaaarawan noong Hunyo 1.
@@@
Bago pag-initan ni senadora Miriam Defensor-Santiago ang product endorsement ng ilang presidentiables, sampu ng kasamang pulitiko, bakit hindi ipabaklas ang naglalakihang karatula ni Mrs. Arroyo. Mantakin nyo, ibinibida ni DPWH Secretary Hermogenes Ebdane ang mukha ng kanyang amo kahit isang dipa lamang ang kalyeng under construction gayong responsibilidad ng misis ni Jose Pidal ang magpagawa ng tulay, kalsada at iba pang infrastructure project bilang Pangulo, maliban kung insecure sa popularidad ng namayapang si Fernando Poe Jr., at gustong makilala sa buong kapuluan lalo pa't puwersahan lang naman ang pagkapanalo noong 2004 election?

Ni sa panaginip, ayokong isipin inggit lamang ang naramdaman ni Aling Miriam kaya't nagtataasan ng buhok sa product endorsement ng ilang kasamahang senador lalo pa't nasa kamay nang lahat ng lady solon ang magandang buhay- ito'y makapangyarihan at napakalakas sa Malacanang. Kung walang batas nagbabawal sa product endorsement, ito'y kasalanan ng Kongreso, hindi ng mga pulitikong nilapitan ng mga kumpanya para i-endorso ang kanilang produkto. Iyon nga lang, dapat mapanuri ang isang senador para maiwasan ang nangyari kay Loren Sinta nag-endorso ng whitening pill o anti-oxidant na inaakusahang peke!
@@@
Napag-usapan ni Loren Sinta, tila nangongolekta ng sablay ang lady solon, aba'y hindi pa man humuhupa ang isyu sa pag-endorso ng pekeng pampaputi, katulad ng expose ng girlfriend ni senador Mar Roxas-si Korina Sanchez laban sa Lucida-DS, isang panibagong kapalpakan ang 'collection' ng kaibigang matalik ni Edong Angara. Pinakahuling sabit ni Loren Sinta ang pag-recant ng isang Pinay domestic helper na napabalitang ginahasa sa Saudi Arabia. Pagkabalik ng Pilipinas, itinanggi nitong 'pinilahan' ng kanyang amo at tatlo (3) pang lalaki. Ibig sabihin, 'nakuryente' si Loren Sinta, animo'y isang pusang sumabit sa kable ng Meralco. Take note: ibinulong ni Loren Sinta kay Mrs. Arroyo ang kaso ng Pinay workers nang magkaharap sa Malacanang para sa signing ng isang batas kaya't napadali ang pagpapauwi sa Pilipinas.

Ang tanong ng mga kurimaw sa Upper House: hindi kaya 'nagbabayad-utang' si Loren Sinta sa naunang pagbalimbing noong 2004 election? Hindi ba't nag-crying lady sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph 'Erap' Estrada pero pagkatuyo ng panyo, kasing-bilis sa pagbunot ng baril ni Da King na tumawid sa oposisyon bilang running mate ng nasirang aktor. Isang malking kalokohan kung itatangi ng PR manager ni Loren Sinta-si Willy Fernandez ang alegasyong inabandona ng lady solon ang Lakas-NUCD Party upang makarating ng Malacanang, gamit ang oposisyon? Isipin nyo, isinaripisyo ni Loren SInta ang pagiging katuwang ni Vice President Noli De Castro sa mga kasal at binyagan. Iyon nga lang, mas popular si Uncle Vice!

No comments: