MALA-ALIKABOK SI BOSS!
Hanggang ngayon, malaking katanungan kung paano masasabing 'solve' ang RCBC massacre gayong kasing-gulo ng buhok ni NCRPO chief Geary Barias sa kanyang kili-kili ang pagsasabit kay ex-Sgt. Ricardo Gomolon bilang principal suspect- ito'y kabaliktaran sa deklarasyon ng mga kapit-bahay na naroon sa Southside, Makati ang suspek, maliban kung nag-ala Kapitan Boom si Gomolon at lumipad patungong Laguna para mang-holdap. Ibig sabihin, maraming dispalinghadong detalye sa pagsasabit kay Gomolon, katulad ng testimonya ni Brgy. Councilor Luis Cameran- ito'y walang baril at ini-interbyu sa Makati 's Social Work Department para National Food Authority (NFA)access card nang arestuhin.
Ni sa panaginip, ayaw isipin ng mga kurimaw sa NCRPO headquarters nagpapa-pogi lamang si Barias kay Mrs. Arroyo upang masungkit ang puwesto ni PNP chief Avelino Razon Jr., as in 'nagwawater-water' maisabit ang kanyang litrato sa PNP gallery. Take note: si Barias ang ‘Razon’ kung bakit tinali ang kamay ng mga mediamen nag-cover sa Penninsula siege. Sa dami ng kapalpakan ni Barias bilang NCRPO chief, kabilang ang Glorietta 2 mall bombing, huwag ipagtakang marami pang reporter mapagkakamalang manok sa coverage. Dapat siguro kay Barias, ito’y gawing manager ng Jollibee dahil mas marami ditong chicken!
@@@
Sa simpleng kaso ni Labor Attache (Labatt) Victor Ablan, malinaw ang 'palakasan system' at pagiging inutil ng Arroyo government sa anti-graft campaign. Ni sa panaginip, ayokong paniwalaang nabigyan ng posisyon sa Sydney Australia kahit walang clearance nakuha sa DOLE-Financial Management System (FMS) dahil sa kabiguang i-account ang UK $4,500.00 noong 2003 sa dating posisyon. Kalokohan kundi alam ni SC Justice Arturo Brion, eh siya ang nakaupong DOLE Secretary!
Sa report ng mga kurimaw sa Philippine Embassy, isang xerox copy lamang ang liquidation sa UK $4,500.00 ang isinumite ni Ablan kay Labor Attache Florinda ‘Linda’ Herrera. Ang problema, walang maipakitang original copy kaya't tinawagan ni Undersecretary Jun Sodusta si Labatt Herrera mula sa Washington DC at itinanggi nang lady official na pinirmahan ang papel ni Ablan. Si Ablan ang kauna-unahang Labor Attache itinalaga ni DOLE Sec Marianito Roque sa Australia . Ito'y ex-Labatt sa United Kingdom ( UK ), kasabay ni Labatt Herrera, asawa ni Bohol Vice Governor Julius Ceasar Herrera.
Si Usec Sodusta ang acting DOLE Secretary dahil lumipad si Sec Marianito Roque sa Geneva, Bangkok at Taipei, pinakahuli ang pagiging advance party sa ‘state buwisit’ ni Mrs. Arroyo sa US, kasama ang ¼ ng House members plus senator Miriam Defensor-Santiago na tila nawawala ang sakit kapag nasa foreign trip. Iyon nga lang, hindi interesado si Labatt Herrera magreklamo laban kay Ablan kaya binigyan ng clearance ni Sodusta.
Kundi nagkakamali ang Spy, labag sa kalakaran ng DOLE ang pagkakatalaga ni Ablan lalo pa't walang Labor Attache ang maaring bigyan ng foreign assignment hangga't walang clearance sa FMS- ito'y isang rason kung bakit usad-pagong ang papel ni Ablan sa Australia . Ibig sabihin, hindi lang nakakahiya kundi nagpapababa sa moral ng mga Labor Attache nasa ibat-ibang bansa. Sabagay, iba ang katayuan ni Ablan at malinaw ang pagiging 'Anak ng Diyos'. Ikaw ba naman ang maging anak ni Ilocos Norte Rep. Roquito Ablan, siguradong mapupuwing ang lahat kapag naging ipu-ipu ang alikabok!
No comments:
Post a Comment