Nagmistulang batang paslit na nag-away sa isang pirasong lollipop ang dalawang miyembro ng Kongreso matapos magkainitan at magpatutsadahan sa partehan ng committee chairmanship. Sa impormasyong nakalap ng TONITE Spy, bago pa man nagkaayusan sa hatian ng kapangyarihan ang buong miyembro ng majority bloc, nagkapatutsadahan ang dalawang mambabatas kung sino ang lehitimong may karapatang magtimon ng isang napaka-importanteng komite. Naunang pinuntirya ng maaksyong solon ang isa sa lucrative committee na may kinalaman sa serbisyo ng mga ‘government installation’ at pribadong kumpanya subalit kaagad umangal ang isang kasamahang mambabatas. Ang gustong mangyari ng maaksyong solon, bitawan ang dating komiteng hinahawakan at ipalit ang ‘lucrative committee’ subalit pumalag ang isang matapobreng mambabatas at nabuhay ang matagal nang iringan. Kasabay ang pagkontra sa gustong mangyari ng maaksyong solon, kaagad inirekomenda ng matapobreng solon ang isang kasamahang mambabatas bilang chairman ng komite, sa katauhan ng mestisuhing solon na itinuturing na ‘Kuya’ ng mga nag-aalburutong grupo. Mas lalo pang na-badtrip ang maaksyong solon sa matapobreng solon dahil nagawa pang patutsadahan sa harap ng mga kasamahang mambabatas, katulad ang alegasyon nitong kailangang may integridad ang hahawak sa ‘lucrative committee’. Dahil hindi nakuha ang pinupuntiryang ‘lucrative committee’ at nakatikim pa ng pangbabaterya sa matapobreng solon, nanggagalaiti sa pagkapikon ang maaksyong solon at kamuntikan pang mabatukan ang kasamahan kung nagkataong magkatabi ng upuan ang mga ito. Sa kabila ng pag-alburuto ng maaksyong solon, wala itong nagawa kundi ipaubaya sa mestisuhing solon ang ‘lucrative committee’ bilang pagrespeto sa mga nakakatanda, katulad ni ‘Kuya’. Clue: Nasangkot sa iba’t ibang gulo si Kuya kaya’t kamuntikang nabalaho ang political career, katulad din ng maaksyong solon na minsang nadawit sa ‘buntalan blues’ habang numero unong matapobre ang kasamahang solon na nagbansag sa mediamen bilang ‘low life’, as in patay-gutom. Kung kongresista o senador ang tatlo, abangan kung anong mangyayari sa partehan ng mga ito. (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment