Monday, November 10, 2008

nov 10 2008 abante tonite issue

Small-time presidentiable pinandirihan sa burol
(Rey Marfil)

Katulad ng linyang: ‘Hindi nagsisinungaling ang ebidensya’ sa programang Scene of the Crime Operation (SOCO) ni Gus Abelgas, walang patutu­nguhan ang presidential ambition ng isang kampon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kahit nagkalat ang pagmumukha sa kalye matapos itong pandirihan sa isang burol.
Sa report na nakalap ng TONITE Spy, mas malaki pa ang pag-asang natatanaw ng mga constituents ni Bacoor Mayor Strike Revilla sa Pag-Asa Molino Bacoor, Cavite keysa panalo ng isang ‘small-time presidentiable’ dahil nilalangaw ito kahit saang lupalop ng Pilipinas magtungo.
Mapa-survey o harapang pakikipag-kamay ng isang ‘small-time presidentiable’ sa mga tao, ito’y pinandidirihan ng mga nakakasalubong, patunay ang pagdedma sa kampon ni Mrs. Arroyo ng mga taong dumalaw sa isang burol.
Nang dumalaw sa isang burol si small-time presidentiable, animo’y pinatotohanan lamang ng Social Weather Stations (SWS) ang resulta ng presidential survey kung saan kakapiranggot ang nakuhang por­syento sa popularidad nito.
Ang rason, ‘dedmatic’ at wala ni isang pumansin kay small-time presidentiable sa hanay ng mga nakatambay sa labas ng funeral homes, maging sa garden kung saan nag-uumpukan ang mga dumalaw sa burol.
Sa pagpasok pa lamang ni small-time presidentiable, wala kahit isang bisitang nagpapaha­ngin sa labas ng funeral homes ang lumapit sa opisyal para makipagkamay kaya mistulang hanging dumaan lamang sa kanilang harapan ang kumag.
Dahil walang lumapit, mismong si small-time presidentiable ang nagsubo sa kanyang sarili at isa-isang nilapitan ang mga nakaupo at nagpapahangin sa lobby ng funeral homes para kamayan subalit wala pa ring nag-abot ng kanilang kamay dito.
Maging sa loob ng funeral homes, wala ring lumapit kay small-time presidentiable hanggang sa magpaalam ito sa pamilya ng namatayan, makalipas ang higit-kumulang kalahating oras, kasama ang kanyang asawa at ilan pang tauhan.
Pagkalabas ng funeral homes, inulit ni small-time presidentiable ang naunang pagbati sa mga naka-standby sa labas at muling inilapit ang sarili para makipagkamay subalit dinedma pa rin ng mga bisita, maliban sa isang barangay tanod na nakapuwesto sa entrance gate at nagta-traffic sa lahat ng mga sasak­yang pumaparada.
Clue: Bagama’t isinusuka ng mga mahihirap si small-time presidentiable at kulelat sa iba’t ibang survey, kasing-tigas ng adobe ang lakas ng loob para ambisyunin ang No. 1 post sa gobyerno. Ito’y meron letrang “B” sa name, as in Basag ang Pula. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: