Sa bagong seating arrangement, nasa 1st row sina Gringo Honasan, Jinggoy Estrada at Migz Zubiri. Sa 2nd row ang tatlong (3) administration allies -- sina Dick Gordon, Bong Revilla at Edong Angara, at hindi mapaghiwalay sa 3rd row ang tatlong (3) namuno sa pagkasibak ni Senador Manny Villar Jr. -- sina Ping Lacson, Jamby Madrigal at Loren Legarda. At halos nabili ng Liberal Party (LP) ang 4th row, animo’y merong magkakasakit kina Noynoy Aquino, Mar Roxas at Pong Biazon kapag naiba ang pagkaka-puwesto ng silya. Ang reserve seat ni Senate President Juan Ponce Enrile, ito’y nasa 3rd row sa likuran ng minority bloc, katabi ni Sonny Trillanes habang nasa 4th row sina Miriam Santiago, Chiz Escudero at Lito Lapid. Sa malamang, pinakamasaya sa bagong ‘cheating arrangement’, este seating arrangement si Leon Guerrero, aba’y nasa exit at madaling pumuslit pagkatapos magpalista sa attendance sheet. Ang problema lang, ito’y main entrance at hagip sa camera ng monitoring team ang pag-escape, kahit walang kabayong bitbit. Higit sa lahat, hindi kailangang UP graduate, katulad ni Aling Matet para maintindihang ‘core group’ ng Wednesday Club ang naka-puwesto sa 1st row ng minority bloc -- sina Joker Arroyo at Mr. Noted, as in Francis Pranceus Pangilinan habang 2nd row ang inokupahan ng mag-utol -- sina Pia at Alan Peter Cayetano, katabi ni Villar. Kung hindi sumama si minority leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., lima (5) lamang ang naiwan sa bagong minorya, walang iba kundi ang mga ‘favorites’ at napaboran. Napag-usapan si Trillanes, good decision ang pagsama sa bagong majority bloc. Ang mangandang nangyari, kaagad inaksyunan ng Senate leadership ang proposal nina Lacson at Pimentel sa panahong magkasama sa minority bloc. Ang resulta, ipinag-utos ni Lolo Johnny noong Martes sa Senate legal staff na pag-aralan ang legalidad kung paano makakaboto si Sonny kahit naghihimas ng rehas sa PNP Custodial Center. Ang rason ni Lolo Johnny, hindi pa naman convicted si Sonny kaya’t kailangang irespeto ng gobyerno ang lahat ng karapatan ng Magdalo leader. At least, nakinig si Sonny! *** Maliban sa rigon ng komite, kaliwa’t kanan din ngayon ang blowout sa pagkakasibak ni Villar at kuwentuhan sa coffee shops ang pagsasaya ng mga ‘bata’ ni Lolo Johnny na ‘nakatanim’ sa iba’t ibang government offices dahil hindi inakalang mararating ng kanilang bossing ang Senate President at balitang nag-Macau nu’ng nakaraang weekend. At malaking palaisipan din kung anong gagawin ng mga tauhan ni Edong Angara sa Macau ngayong weekdays gayong napaka-busy ng committee on finance na kanyang minana kay Enrile sa budget deliberation, as in kahapon (Nov. 26) sinimulan ang sponsorship speeches at general principles sa 2009 proposed budget, maliban kung ikinansela ang biyahe? Sa nakuhang flight details ng Spy, malinaw ang Macau trip ng apat (4) na tauhan ni Angara ngayong alas-12:30 ng tanghali (Nov. 27) -- sina Amenah Pangandaman, Olivia De Leon, Reynaldo Regalado at Vicente Jose Roxas via PR 352 at 2:35 p.m. ang arrival sa Macau. Ang balik ng mga staff ni Angara ay sa Nobyembre 29, araw ng Sabado via PR 353 at 3:40 ang departure sa Macau at 5:45 ang arrival sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang package rate, ito’y nagkakahalaga ng $641.00, katumbas ang P1,620 bawat isa. Hindi lang malinaw kung kasama sa package rate ang tatlong (3) araw at dalawang (2) gabi sa Hotel Venetian Hotel, maging ang breakfast, lunch, round trip transfers sa airport patungong hotel at Macau City Tour. Take note: si Pangandaman ang chief of staff (COS) ng kaibigang matalik ni Loren Sinta at personal secretary si De Leon habang si Regalado, ito’y ex-administrator ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) simula 1998 hanggang 2001. Kung anong gagawin sa Macau ng staff ni Angara, sila lamang ang nakakaalam lalo pa’t casino, as in sugal ang negosyo sa Macau, maliban kung meron ‘nilulutong-Macau’. Anyway, kapangalan lamang ni Court of Appeals (CA) Justice Vicente Roxas na sinibak sa bribery scandal ang nakalistang kasama ni Pangandaman! (www.mgakurimaw.blogspot.com) |
No comments:
Post a Comment