Wednesday, June 1, 2011

Todo-kayod!
REY MARFIL

Brunei Darussalam --- Hindi lang “trabahong kalabaw” kundi “kayod-marino” si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino upang hulihin ang puso ng mga negosyante, pinaka-la­test ang 2-day state visit sa mayamang Brunei, kalakip ang layuning makahagilap ng mas maraming mamumuhunan, trabaho at iba pang oportunidad.

Sa lahat ng pagkakataon, nauubos ang panahon ni PNoy sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Take note: para matulungan ang turismo ng Pilipinas, tinanggap ng Pangulo ang pangunahing mga opisyal ng United Arab Emirates’ (UAE) national airline sa isang courtesy call sa Malacañang -- dito pinag-usapan ang pagsusulong ng mas malakas na ekonomiya, turismo, imprastraktura at iba pa.

Sa pulong, tinalakay nina PNoy at ilang mga opisyal ng bansa ang panukala ni G. James Hogan, chief executive officer ng Etihad Airways, kaugnay sa pagpaparami ng kanilang flights o biyahe sa Pilipinas.

Hindi lang ‘yan, maganda ang suporta ng administrasyong Aquino sa inisyatiba ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na palakasin ang kakayahan ng mga manggagawa na magtayo ng maliit na negosyo para madagdagan ang kanilang kita.

Inihayag ng TUCP, mayroong 1.2 milyong mga kasapi at pinakamalaking samahan ng mga manggagawa sa bansa, ang magandang resulta ng pagnenegosyo ng mga manggagawa sa Cebu.

Tamang ayudahan ng pamahalaan ang pagnenegosyo para magkaroon ng karagdagang kita sa pamilya ng mara­ming mga manggagawa. At makatwiran ding papupurihan ang pamahalaan sa paglikha ng maraming trabaho na karagdagan sa dalawang (2) milyong trabaho na naibigay sa mga Filipino noong 2010 at patuloy na pagmimintina dito.

***

Napag-usapan ang “good news”, hindi matatawaran ang mababang puso ni PNoy para sa kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda, patunay ang pagtiyak ng Pangulo sa patuloy at walang humpay na pag-ayuda ng pamahalaan sa pagkakaloob ng tulong at mga proyekto.

Ilan sa pinagtutuunan ng pansin ni PNoy ang kons­truksyon ng irrigation canals, farm-to-market roads, mo­dernong kagamitan sa pagsasaka at pangingisda at maging sa diskarte sa pagbebenta ng kanilang mga ani.

Magandang balita rin ang pahayag ni PNoy na ilulunsad ang geographic information system (GIS) sa lalong mada­ling panahon para sa national registry system o census ng mga magsasaka at mangingisda na itatayo sa mga lalawigan ng Quezon (Luzon), Leyte (Visayas) at Bukidnon (Mindanao).

Ginawa ni PNoy ang pag-ulit sa kanyang commitment matapos papurihan at parangalan ang labing-apat (14) na in­dibidwal at walong (8) organisasyon bilang awardees ng “Gawad Saka 2010” dahil sa kanilang malaki at kahanga-ha­ngang kontribusyon sa pagtiyak ng sapat na pagkain sa bansa.

Bilang bahagi ng ayuda ng pamahalaan na tulungan ang mga mangingisda, pinangunahan ni PNoy ang pagpapakawala sa Jala-Jala, Rizal na bahagi ng Laguna de Bay ng mga punla ng tilapia at malalaking karpa.

Layunin ng programa na tinawag na “Bringing Back the Lake’s Bountiful Harvest” na muling paramihin ang mga isda sa lawa upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga mangi­ngisda sa Laguna de Bay.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: