Friday, June 3, 2011

Barya lang!
REY MARFIL

Makatwiran lamang na purihin si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III sa matalinong paggugol ng government funds sa lahat ng pagkakataon, pinaka-latest ang opisyal na biyahe sa Thailand at Brunei -- ito’y umabot lamang sa P4.5 milyon ang nagastos at limitado sa 52-kataong delegasyon, kabaliktaran sa nakagisnan ng publiko sa mahabang panahon kung saan mas marami ang tsaperon.

Kinakatawan ng halaga (P4.5 milyon) ang gastusin sa eroplano, hotel, pagkain, transportasyon, at komunikasyon na lubhang napakaliit kung ikukumpara sa malaking pakinabang na nakuha at makukuha ng Pilipinas sa lubhang masaganang biyahe nito. Ika nga ni Mang Gusting, “kung tutuusin, barya ang gastos ni PNoy kapag ikinumpara sa biyahe ng mga pinalitan sa trono”.

May katwiran si Mang Gusting, sampu ng ka-jamming, aba’y maliit na halaga nga naman ang P4.5 milyon kung ikukumpara sa daang milyong piso na ginagastos kada biyahe sa nagdaang mga rehimen -- ito’y patunay kung gaano kaseryoso si PNoy sa matuwid na daang ipinangako. At itaga niyo sa bato, hindi magnanakaw ang Pangulo.

Sa overnight Thailand trip, ginawaran si PNoy ng honorary Doctorate of Philosophy (Economics) ng Kasetsart University -- isa sa de-kalibreng pampublikong unibersidad sa Thailand. Pinangunahan ni President Vudtechai Kapilakanchana ang pagkilala sa hindi matatawaran at dakilang nagawa ni PNoy, partikular ang hindi matatawarang liderato na pinakikinabangan ng mga Pilipino.

Talagang mabunga ang biyahe ni PNoy sa Bangkok kung saan muling ipinahayag ni Thai Prime Minister Abhisit Vejjajiva sa kanilang bilateral talks ang mainit at magandang relasyon ng dalawang bansa na dapat manatili kahit matapos ang kanilang termino.

Mainit na tinanggap si PNoy sa kanyang pagbisita sa Thailand base sa imbitasyon ng Prime Minister. At malaki ang benepisyo ng 2 bansa sa larangan ng pulitika, ekonomiya at socio-cultural lalo pa’t parehong nagtataguyod ng demokrasya ang mga ito.

Noong 2010, malaki ang kontribusyon ng “Top ten exports” ng Thailand sa bansa -- ito’y umabot naman sa 20.7 milyong dolyar, partikular ang direktang pamumuhunan nito.

Take note: Merong karagdagang pamumuhunan sa Pilipinas, sa pamamagitan ng tatlong malalaking grupo ng mga negosyante na hiwalay nitong kinausap.

Kabilang dito ang Charoen Pokphand (CP) Group na pinamumunuan ni chairman at chief executive officer Dhanin Chearavanont na nagnanais na palawakin ang kanilang agri-business sa Pilipinas sa pamamagitan ng pag­lalagak ng kapital sa “hog raising industry” dahil sa kawalan ng Foot-and-Mouth Disease (FMD) sa Pilipinas.

Nariyan ang Siam Cement Group (SCG) na pinangunahan ni President at CEO Kan Trakulhoon na nagpaha­yag ng malaking tiwala sa magandang klima ng negosyo sa bansa kaya naman nais nitong palakihin ang kanilang operasyon sa Pilipinas sa larangan ng komersyo. Sa kasalukuyan, pag-aari ng SCG ang Mariwasa Tiles Company sa bansa.

Palalawakin rin ng Petroleum Authority of Thailand (PTT) Public Company Limited sa pamumuno ni President Prasert Bunsumpun ang kanilang pamumuhunan sa paggawa ng liquefied petroleum gas (LPG).

At pinasalamatan rin ni PNoy ang partisipasyon ng mga kumpanya sa Thailand sa mga proyektong imprastraktura sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) na progra­mang sinimulan ng kanyang administrasyon lalo pa’t su­bok ang husay at galing ng mga ito sa konstruksyon ng mga kalsada sa Bangkok.

Sa kanilang bilateral talks, iprinisinta ni PNoy kay Prime Minister Abhisit ang mga programang PPP ng bansa upang makaakit ng mga mamumuhunan. Tinalakay rin ng Pangulo ang kahalagahan ng kooperasyon sa pagsulong ng agrikultura, paglaban sa drug trafficking at paghahanda sa disaster risk reduction and management.

***

Napag-uusapan ang pagkakaisa, dapat suportahan nating lahat ang pandaigdigang panawagan ni PNoy na boykotin ang ilegal na bentahan ng black corals para protektahan ang yamang-dagat sa buong mundo. Napapanahon ang maigting na kampanya at panawagan ng Pangulo.

Ating papurihan ang magandang accomplishment ng administrasyong Aquino sa tulong ng mga opisyal ng Customs nang maharang ang P15 milyong halaga ng black sea corals mula Maynila patungong Cebu. Kaya’t suportado ng mga kurimaw ang panagawan ng pamahalaan na magsanib-puwersa ang mga bansa sa buong mundo para labanan ang mapaminsalang negosyo at magkaroon rin ang mga ito ng parehong matigas na paninindigan.

Ang hinala ng mga opis­yal ng Customs -- konektado ang pagkakahuli ng black corals sa kanilang pagkakaharang rin sa patay na pambihirang sea turtles, black corals at sea shells mula Cotabato na kanilang pinakamalaking huli sa kasaysayan ng yamang-dagat sa bansa.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: