May delicadeza! | ||
REY MARFIL Inaasahang malalampasan pa ang target ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na pito hanggang walong porsiyentong paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng taon, alinsunod sa mga ipinapatupad na reporma sa pamahalaan, as in siguradong mahihimok ang mga negosyante sa “matuwid na daan ng Pangulo” para maglagak ng kapital na inaasahang lilikha ng milyun-milyong trabaho. Dahil naman sa kaguluhang pulitikal sa Gitnang Silangan at kambal na trahedyang tumama sa Japan, hindi na nakakapagtakang umabot lamang sa 4.8% ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa unang tatlong buwan ng taon. Sa katunayan, halos parehung-pareho ang inilago ng GDP ng Pilipinas sa iba pang mga kanugnog na mga nasyon sa Asya. Isa ang Japan sa pinakamalaking “trading partner” at pinagmumulan ng malaking pondo ng overseas development assistance (ODA) ng Pilipinas at maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang naapektuhan sa kaguluhang sumiklab sa Gitnang Silangan. Tama si PNoy sa pag-imbita ng mga lokal at dayuhang negosyante na mamuhunan sa Public Private Partnership (PPP) na programa ng pamahalaan para sumikad ang ekonomiya ng bansa sa ikalawang yugto ng taon. *** Ipinakita sa pagbibitiw ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Ernesto ‘Totoy’ Diokno ang tiwala ng publiko kay PNoy --isang sukatan sa pagiging lingkod-bayan sa ilalim ng administrasyong Aquino. Siguro naman mananahimik ang mga kritiko ngayong agarang nag-resign ito. Nasa katwiran si PNoy sa pagsasabing “pampublikong interes” ang dapat na mangibabaw at hindi ang anumang personal na relasyon. Take note: matagal na kaalyado at kabigan ng Pangulo si Diokno -- dito ipinakita ng tinaguriang “Manila’s Finest” ang pagkakaroon ng delicadeza na hindi nakita ng mga kurimaw sa mahabang panahon. Magandang mensahe ang pagtanggap ni PNoy sa pagbibitiw ni Diokno, maging ang pagpapasalamat ng Pangulo sa naging serbisyo at ipinakitang delicadeza ng ex-BuCor chief. Ika nga ni PNoy --magbibigay-daan ang pagbibitiw ni Diokno sa pagpapatupad ng mga reporma sa sistemang bilangguan sa bansa. *** Napag-usapan ang aksyon, ginagawa ni PNoy ang lahat ng paraan upang pigilan ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa pagpapatupad ng walang basehan at mahal na matrikula at iba pang bayarin. Kaya’t mag-isip bago maningil ng sangkaterbang “miscellaneous fees” ang mga abusadong may-ari ng eskuwelahan kesa masampolan. Bagama’t binata at wala pang anak na pinag-aaral kahit man lamang sa day care center, batid ni PNoy ang bigat na pinapasan ng mga magulang sa kanilang pagbabadyet. Upang matiyak na protektado ang publiko, bumuo ang Malacañang ng isang komite, sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) na tututok sa isyu at madetermina kung ano ang mga legal na bayarin na dapat lamang singilin ng mga kolehiyo at unibersidad. Pamumunuan ni CHED Executive director Julito Vitriolo ang komite kung saan ililista ang “miscellaneous fees” na maaaring masingil sa mga mag-aaral -- isang paraan para maiwasan ang pang-aabuso. Maaaring tumawag ang mga magulang at estudyante sa CHED hotline na 4411216 para magreklamo. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com) |
Wednesday, June 8, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment