Iba na ngayon! | |
Tinulungan ng administrasyong Aquino ang mga pamilyang nabiktima ng mapaminsalang buhawi na tumama sa Missouri, USA nitong Mayo 22 at nakakatuwang marinig ang determinasyon ng pamahalaan na tulungan ang mga pamilyang Filipino na naapektuhan ng mga trahedya sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang latest development, nagpadala na ang pamahalaan ng mga tao sa mga pamilya ng namatayan para alamin ang kanilang agarang pangangailangan at tulungan ang iba pang naapektuhan.
Take note: Tinatayang 117-katao ang namatay, kabilang ang dalawang Pilipino at daan-daan pa ang nawawala sa trahedyang sumira sa 30% ng mga gusali sa bayan ng Joplin na direktang tinamaan ng buhawi.
Napag-uusapan ang trahedya, hindi ba’t kapuri-puri ang maganda at epektibong pagbabago ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) -- ito’y nangyari lamang sa ilalim ng liderato ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III.
Hindi ba’t good news na mula sa pagkakalat ng palpak na pagtataya ng panahon noon, unti-unti nang bumubuti ang performance ng PAGASA sa pagbibigay ng mga babala sa lagay ng panahon ngayon, maliban kung sadyang walang ibang makitang magaling ang mga kritiko kundi sarili nito?
Kahit malabo ang mata, sampu ng mga mutain sa hanay ng kritiko, makikitang hinahanapan ni PNoy ng solusyon ang mga problema sa kakapusan sa mga gamit at pinansyal na aspeto ng PAGASA. Kung magkakaroon ng mahusay na pagtaya ng panahon, siguradong maraming buhay ang maililigtas at malaking halaga ng mga ari-arian ang maisasalba.
Makatwiran ding papurihan ang magandang pagtutok ng pamahalaan sa bagyong Chedeng. Habang nasa Thailand, alinsunod sa opisyal na imbitasyon ng mga lider doon, masusing nagbabantay si PNoy sa kondisyon ng panahon, gamit ang modernong kagamitan at komunikasyon, as in walang sinayang na oras para i-monitor ang kaganapan sa Pilipinas.
***
Anyway, dapat tugunan ng publiko ang panawagan ni PNoy na maglagay ng watawat ng Pilipinas sa kanilang mga bahay, tanggapan, eskwelahan, pampublikong mga gusali at mga plaza, maging sa mga embahada at konsulado sa ibang bansa simula sa Mayo 28 bilang paggunita sa National Flag Day hanggang Hunyo 12 -- ito’y paghahanda sa Independence Day.
Hindi natin dapat kalimutan ang malaking sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ng ating mga bayani kung saan sinisimbolo ng ating bandila ang kanilang kadakilaan. Sinasalamin rin ng watawat ang paggunita sa “Battle of Alapan” noong Mayo 28, 1898 kung saan unang itinaas sa Teatro CaviteƱo sa paghihimagsik na pinamunuan ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Imus, Cavite.
Sa ilang “row four” sa history subject at palaging nag-e-escape sa klase para mamitas ng bayabas -- nagsimula ang bandera ng Pilipinas sa panahon ng rebolusyon kung saan ibinase ang kasalukuyan nitong layout sa 1936 Philippine Commonwealth Government.
***
At hanga-hanga din ang walang sawang pagsuporta ni PNoy sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan upang wakasan ang ilang dekada ng rebelyon sa bansa matapos ang pandaigdigang pagtataya sa kalagayan ng kapayapaan at seguridad sa buong mundo.
Dadalhin ang bansa ng masidhing posisyon ng administrasyong Aquino na resolbahin ang rebelyon at insureksyon sa produktibong mga aktibidad na pakikinabangan ng buong bansa. Alam naman natin na pangunahing pundasyon ng kasaganahan ng isang bansa ang kapayapaan.
Hindi naman talaga imposible ang wagas na kapayapaan lalo’t masigasig si PNoy na isulong ito ng mayroong mataas na katapatan, dedikasyon at pagiging bukas ng kaisipan.
Dapat magpatuloy ang hiwalay na negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Communist Party of Philippines-National Democratic Front-New People’s Army (CPP-NDF-NPA).
Laging tandaan: “Bata niyo ako at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment