Monday, June 13, 2011

All rice!
REY MARFIL

Kung babalikan ang mga naisulat at nababasa, animo’y nakinabang lamang sa “publicity” ang dating administrasyon sa P5 bilyong programa para sa serbisyong pangkalusugan, sa pamamagitan ng National Health Insurance (NHI), simula 2007 hanggang 2010 dahil hindi naman nito binayaran ang malaking obligasyon.

Kinailangan pang maupo si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III para mabayaraan ang pananagutan na kumakatawan sa parte ng pamahalaan sa “health insurance premiums” ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Sa pagkakaalam ng publiko, naglabas ang administrasyong Aquino ng P5 bilyon para bayaran ang obligasyon ng dating administrasyon sa konteksto ng tama at matalinong paggugol ng pampublikong pondo.

Ngayong taon, naglaan ang administrasyong Aquino ng P3.5 bilyon para sa NHI na programa na naglalayong pagkalooban ng serbisyong kalusugan ang 4.7 milyong mahihirap na pamilya sa buong bansa.

Ipinatupad ang programang pangkalusugan ng admi­nistrasyong Aquino simula Oktubre 2010 kung saan hindi kasama sa 4.7 milyong pamilya ang mga kasalukuyang nakikinabang na sa insurance coverage.

***

Napag-uusapan ang obligasyon, ibinigay ni PNoy sa mga kasapi ng gabinete at kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kapangyarihan na bumili ng mga sasakyan na kakailanganin sa kanilang operasyon -- isang paraan upang matiyak ang matalinong paggamit ng government funds.

Sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 15 na nilagdaan ni PNoy noong Mayo 25, 2011, layunin nitong ireporma ang operasyon sa pamahalaan at pataasin ang “public accountability” lalo’t nasa magandang posisyon ang mga kalihim na determinahin ang kanilang panga­ngailangan sa mga sasakyan.

Take note: Mapapabilis ang proseso ng mga papeles para sa bibilhing sasakyan matapos ang matalinong pagpapasya ng mga kalihim na aaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).

***

Hindi ba’t good news ang pagpapakita ni PNoy ng pagpapahalaga sa “food production” nang ipalabas ang P3.430 bilyon para sa National Rice Program ng Department of Agriculture (DA) -- ito’y makakatulong sa pagpapababa ng antas ng kahirapan at matiyak ang mabilis at tuluy-tuloy na pag-angat ng ekonomiya dahil inaasahang lalaki rin ang ani ng mga magsasaka, alinsunod sa target na maging “rice self-sufficiency” ang Pilipinas sa 2013.

Sa ilalim ng National Rice Program, pagkakalooban ang mga magsasaka ng de-kalidad na mga buto, maayos na irigasyon, pautang at marketing assistance para mapa-unlad ang produksyon ng pagsasaka. Umaabot sa P5.217 bilyon ang buong pondo ng National Rice Program ngayong taon.

Kaya’t huwag ikagulat kung mauwi sa “all rice” ang gimik ng mga resto bago bumaba sa puwesto si PNoy sa June 30, 2016!

Inaasahan ng DA na aabot sa 17.45 milyong metriko toneladang palay ang aanihin ngayong taon at planong taasan ng 10%, as in magiging 19.2 milyon sa 2012; at karagdagang 10% sa 2013 o papalo sa 21.11 milyon -- isang paraan para makamit ang pagiging rice self sufficiency ng Pilipinas.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: