Palakpakan! | |
Dapat irespeto ang desisyon ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso na ipagpaliban ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ngayong Agosto at isabay na lamang sa 2013 midterm elections.
Bagama’t si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang nag-request nito, pangunahing layunin ng pagpapaliban ng halalan sa ARMM ay maibigay ang tunay na reporma at hindi para pakialaman ang mga kapatid nating Muslim sa rehiyon.
Isang patotoo ang Maguindanao massacre na kumitil sa 60-katao, kabilang ang 32 mamamahayag kung bakit dapat ireporma ang ARMM sa lalong madaling panahon. Ibig sabihin, mananatiling mailap ang katatagan, kapayapaan at tunay na kaunlaran kahit matagal na ang ARMM.
Nais lamang ni PNoy na makamit ang tunay na progreso para sa mas maraming mga tao at hindi lamang ng iilang makapangyarihan. Take note: tanging pagsasabay ng halalan sa 2013 midterm elections ang makakapagbigay ng demokrasya sa ARMM para malibre sa anumang uri ng maruming pulitika ang rehiyon at maibigay ang magandang buhay sa mga ito.
Kaya’t makatwirang palakpakan natin ang Kongreso na nakita ang liwanag at katalinuhan sa kahilingan ni PNoy na suspindihin ang halalan at maibigay ang makabuluhang pagbabago sa ARMM.
***
Sa kabila ng paulit-ulit na problema na bumulaga sa atin nitong nakalipas na Lunes, ginawa ng MalacaƱang ang lahat para matiyak ang mapayapang pagbubukas ng klase para sa mga taong 2011-2012.
Inatasan ni PNoy ang kinauukulan na gawin ang lahat ng mga paraan upang matiyak na ligtas ang mga estudyante sa kanilang mga eskuwelahan sa buong taon at lahat ng pagkakataon.
Talaga namang gumagawa ng hakbang si PNoy na resolbahin ang napakabigat na problema sa sobrang dami ng mga estudyante kaya’t isinusulong ang responsableng pagpapamilya, maliban kung bulag ang mga taga-Simbahan nang magbukas ang klase?
Sa ganitong krisis, nasaan ba ang anti-Reproductive Health (RH) bill o kontra sa population management? Sa halip na kontrahin si PNoy, bakit hindi na lamang gayahin ng Simbahan ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Incorporated (FFCCCII) na katuwang ng pamahalaan sa pagtataguyod ng edukasyon para sa mga Filipino sa pamamagitan ng school building project.
Iprinisinta ng FFCCCII kay PNoy ang modelo ng dalawang palapag na gusali sa paaralan na kumakatawan sa kanilang 454 units na donasyon sa pamahalaan.
Ibig sabihin, dapat maunawaan naman ng anti-RH bill na ginagawa lamang ni PNoy ang trabaho nito bilang lider ng bansa kaya hayagang nagdeklara ng suporta sa responsableng pagpapamilya.
Nakakalungkot lamang na walang ginagawa ang anti-RH bill para pigilan ang problema na dulot ng tinatawag na pabrika ng mga bata sa bansa. Bakit hindi aminin ng anti-RH bill na ang paulit-ulit na problema sa kakapusan sa silid-aralan, libro, guro at mga katulad na bagay sa sektor ng edukasyon, ito’y resulta sa sobra-sobrang populasyon.
Isang pang nakakabilib at kahanga-hanga ang maigting na panawagan ni PNoy na resolbahin ang sobra-sobra at abusadong benepisyo na kinukubra ng mga opisyal sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa gitna ng paghihirap ng publiko.
Ito’y nagresulta sa Republic Act 10149 o Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC) Governance Act of 2011 na agarang nilagdaan ni PNoy bilang isang ganap na batas. Layunin ng batas na isulong ang tamang paggugol sa GOCCs lalo pa’t hindi naging makatwiran ang sobrang kinikita ng mga opisyal.
Isang tunay na reporma ang aanihin sa adhikain ni PNoy sa pagkalusaw ng malaking allowance ng mga opisyal ng GOCCs na nabigo namang pigilan ng dating mga administrasyon.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment