Friday, May 27, 2011

Walang sinayang!
REY MARFIL

BANGKOK, Thailand --- Pagkalapag ng Suvarnabhumi International Airport, ala-una kahapon, tatlong magkakasunod na meeting sa pagitan ng malalaking grupo ng negosyante ang hinarap ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III bago nagtu­ngo sa Government House para bigyan ng arrival honors bilang pagsisimula ng 2-day state visit -- isang “good news” sa hanay ng mga naghahanap ng trabaho.

Ang tatlong business meeting na hinarap ni PNoy, kinabi­bilangan ng Chareon Pokphand (CP) Group; SIAM Cement Group (SCFG), at PTT Public Company Limited (PTT) upang hikayating magnegosyo sa Pilipinas, isang patunay kung gaano kaseryoso ang Pangulo na hanapan ng trabaho ang dumaraming tambay sa kanto dahil sa walang humpay rin na pag­lobo ng populasyon -- ito’y epekto sa malaking kapabayaan ng mga nagdaang administrasyon na isulong ang Reproductive Health (RH) bill.

Makaraan ang tatlong business meeting, nagtungo si PNoy sa Government House at sinalubong ni Thailand Prime Mi­nister Abhisit Vejjajiva, kasunod ang bilateral meeting sa Ivory Room.

Kung paboritong pagdausan ni PNoy ang “yellow room” sa Premiere Guest House tuwing nagku-courtesy call ang mga bumibisitang diplomats, meron din kahalintulad na “special room” sa Government House at dito isinagawa ang signing sa guest book at nagkaabutan ng regalo ang dalawang lider, ganap na alas-6:40 ng gabi.

Isang joint press conference sa pagitan ni PNoy at PM Abhisit ang ibinigay sa media sa Inner Santi Maitri Building, alas-siyete kagabi makaraan ang bilateral meeting -- ito’y nilimita­han sa tig-dalawang tanong, as in Thai’s journalist ang nagtanong kay PNoy habang Philippine media kay PM Abhisit. Bago nakipagkape sa Philippine media, alas-9:30 ng gabi na nagiging “routine” ni PNoy sa bawat foreign trip, isang state dinner ang ibinigay ni PM Abhisit, alas-8:00 kagabi.

***

Napag-usapan ang “good news”, marapat lamang bigyan ng masigabong palakpakan si PNoy dahil tinupad ang pangakong pagkalooban ng atensyong medikal ang mahihirap, patunay ang inagurasyon sa Sta. Ana Hospital, katulong si Mayor Fred Lim na wala pa rin kupas, sampu ng city council ng Maynila.

Sa pagbubukas ng Sta. Ana Hospital sa New Panaderos, Sta. Ana, Manila noong nakaraang linggo, ipinakita ni PNoy ang kanyang paninindigan na mabigyan ng atensyong medikal ang mga mahihirap, alinsunod sa Millennium Development Goals (MDG). Mas maraming Filipino ang makikinabang sa bagong ospital kung saan unang isinagawa ang inisyal na inagurasyon ang limang palapag noong Abril 28, 2010.

Upang maipakita pa ng pamahalaan ang commitment nito, sinabi ni PNoy na makikinabang ang bawat Filipino mula sa National Health Insurance Program (PhilHealth) kung saan naglaan ng P3.5 bilyon ngayong taon para sa insurance premiums.

Take note: Naglaan din ang PhilHealth ng P350 milyon upang gawing moderno ang information system, kalakip ang layuning pabilisin ang transaksyon at pagkakaloob ng serbis­yo sa mga tao.

Inanunsyo rin ni PNoy ang P7.1 bilyong inilaan ng pamahalaan para sa “health facility enhancement program” kung saan P5.7 bilyon dito ang inilaan sa pagpapaunlad ng rural health units at barangay health stations sa buong bansa. Inilaan din ang P1.4 bilyon para paunlarin ang mga ospital na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DoH).

Ang pagsasanay ng health professionals, kabilang ang espes­yalisasyon sa Basic Emergency Maternal Obstetric and Neonatal Care para sugpuin ang mataas na bilang ng mga namamatay sa panganganak -- ito’y isa sa prayoridad ng administrasyon.

Lingid sa kaalaman ng publiko, umaabot sa 162 ang namamatay sa bawat 100,000 babaing nanganganak. Ang tanong ng mga kurimaw -- ito ba’y nalalaman ng mga “Reklamador” sa RH bill na walang inatupag kundi mag-ingay at ipasa sa gobyerno ang pagkakaloob ng edukasyon, trabaho, pagkain, damit at pabahay sa mga batang ipinapanganak kada araw?

Ewan ko lang kung ‘di pa matuwa ang mga kritiko ni PNoy.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: