Kawawang Ranger! | |
Hindi ba’t nakakatuwang makita na pinangungunahan ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang promosyon ng pambansang ehersisyo sa kabila ng napakaraming problemang kinakaharap at binibigyan ng kasagutan, partikular ang mga naiwang “land mines” ng nakaraang administrasyon?
Sa pamamagitan ng Department of Health (DoH), naging simbolo si PNoy ng pambansang pagpapahalaga sa kalusugan nang pamunuan ang “Ehersisyo Pangkalusugan Para sa Lahat 2011” -- ito’y isinagawa kamakailan sa Quezon City Memorial Circle (QCMC).
Mismong Pangulo ang nagpaalala sa maraming mga Filipino kaugnay sa malaking banta sa buhay ng masamang lifestyle, katulad ang kakulangan o kawalan ng ehersisyo.
Dapat seryosong ikonsidera ng publiko ang kahalagahan ng kalusugan, partikular ang “physically fit” ng pangangatawan ng bawat isa upang labanan ang mga sakit tungo sa progreso.
Take note: Kayamanan ang magandang kalusugan.
***
Maliban sa tamang ehersisyo, patuloy tinutugunan ni PNoy ang pangako nitong tulungan ang mga taong labis na naaapektuhan ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo na nag-ugat sa pulitikal na tensyong nagaganap sa mga bansang pinagkukunan ng langis.
Sa pamamagitan ng Department of Energy (DoE), ipinamudmod ang “Smart cards” bilang bahagi ng Pantawid Pasada Program (PPP) upang bigyang ginhawa ang public utility jeepney (PUJ) drivers at operators.
Sa mga makakakuha ng Smart cards bago sumapit ang Mayo 31, magkakaroon ang mga ito ng diskuwento sa ilang gas stations bukod sa 1,050 na fuel assistance na nakapaloob sa bawat card.
***
Napag-usapan ang pagiging physically fit, dapat lang suportahan ng publiko si PNoy sa panawagang taniman ng puno ang mga kalbong kagubatan, as in ituring na isang uri ng pag-ehersisyo ang pagtatanim at pagdidilig kada araw.
Ika nga ng mga kurimaw, anong silbi ng magagandang pangangatawan kung sira naman ang kapaligiran.
Noong nakaraang linggo, inilunsad ni PNoy ang National Greening Program (NGP), sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City -- isang patunay kung gaano kahusay ang kinuhang kalihim ni PNoy, sa katauhan ni Secretary Mon Paje.
Inilabas ni PNoy ang Executive Order (EO) No. 26 noong nakaraang Pebrero kung saan itinalaga ang DENR bilang pangunahing ahensya na magpapatupad ng programa sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR).
Upang matiyak ang tagumpay ng programa, pinag-isa ng EO ang lahat ng reforestation programs para muling gawing luntian ang mala-tsokolateng mga bundok at matiyak na masusuportahan ng bansa ang pangangailangan nito sa mga troso at makaiwas na rin sa mga trahedya.
Tumpak si PNoy sa panawagang magkaisa ang sambayanang Filipino para gawing luntian ang kulay ng Pilipinas. Sa ilalim ng programa, target ng gobyerno na magtanim ng 1.5 bilyong puno na sumasakop sa 1.5 milyong ektaryang lupain, simula ngayong taon (2011) hanggang 2016.
Malaki rin ang panghihinayang ni PNoy sa anim na “environmental heroes” na namatay habang tinutupad ang kanilang tungkulin. Kabilang sa mga nakatanggap ng “posthumous award” ang mga kawani ng DENR -- sina Kennedy Eber Bayani ng Apayao province, Rolando Sinday at Jacinto Dragas ng Surigao del Sur at Pierre Gillo ng Samar.
Kahit hindi empleyado ng DENR -- sina Nelson Luna at Christopher Mazo ng Surigao del Sur, kapwa isinakripisyo ang kanilang buhay para lamang protektahan ang nakakalbong kagubatan kaya’t kailangang pagsumikapan ng pulisya na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mga forest rangers, gaano man kaimpluwensya.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment