Friday, May 6, 2011

Tama lang!
REY MARFIL

JAKARTA, Indonesia ---Walang dapat ipagtampo ang mga kababayan nating kinalakihan ang paghuhukay ng lupa sa kanilang bakuran, tama ang hakbang ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na organisahin ang inter-agency group na mag-aaral ng mas malinaw at epektibong polisiya sa pagmimina upang protektahan ang mga manggagawa, maging ang likas na yaman ng bansa.

Tinitiyak lamang ni PNoy na mabibigyan ng atensyon at solusyon ang lahat ng mga problema at epekto ng pagmimina sa mga lugar kung saan nagaganap ang mga operasyon, ka-tulad sa Compostela Valley, hindi ba’t nangyari ang trahedya sa mismong araw ng pagninilay-nilay, as in Semana Santa?

Determinado ang pamahalaan na magkaroon ng mas maayos at epektibong polisiya sa pagmimina, alinsunod sa ire-rekomeda ng inter-agency group, partikular ang mangangasiwa sa small scale mining -- ito’y isinagawa noong nakaraang Abril 11 sa tulong ng Presidential Management Staff (PMS) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Isa sa dumalo sa inter-agency meeting ang numero unong kontra sa pagmimina -- si Gina Lopez, pinuno ng Pasig River Reclamation Commission (PRRC), kabilang din sina PMS Sec. Julia Abad; Presidential Adviser on Peace Process Sec. Teresita Deles; Department of Interior and Local Go-vernment Jesse Robredo; Department of Finance Sec. Cesar Purisima; Department of Justice Sec. Leila De Lima; Presi-dential Adviser on Political Affairs adviser Ronald Llamas at Commissioner Brigada Zenaida Pawid ng National Commission on Indigenous Peoples of the Philippines.

***

Kung atensyon sa problema ang pag-uusapan, lalo pang ipinakita ni PNoy ang matinding malasakit sa mga sektor na labis na naapektuhan ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo, patunay ang kahandaan nitong itataas sa P1 bilyon ang kasalukuyang P450 milyong fuel subsidy para sa public utility jeepney at tricycle drivers.

Kasama sa mga benepisyunaryo ng fuel subsidy ang mga magsasaka at mangingisda. Kung tutuusin, dapat bigyan ng malaking pasasalamat si PNoy dahil matalino at maayos ang paggasta ng government funds kaya’t nagkaroon ng pondo na maaaring magamit para sa fuel subsidy -- ito’y kabaliktaran sa nagdaang panahon, aba’y hindi lang isang piling ng saging ang itinatago kundi bitbit ang buong puno.

At kasalukuyang pinag-aaralan na rin ng MalacaƱang ang posibilidad na magkaroon ng extension sa programang Pantawid Pasada, as in palawigin ng isa pang buwan o mahigit pa ang fuel subsidy habang nananatili ang political crisis at kaguluhan sa mga bansang pinanggagalingan ng langis.

Take note: Tayo po’y bumibili at hindi nagbebenta ng langis kaya’t “double-triple” ang presyo sa Pilipinas, ewan lang kung naiintindihan ng mga militanteng grupo o sadyang hanap ang mangalap ng malaking donasyon kaya’t araw-araw nagre-reklamo sa kanto?

Sa halip kutyain at batikusin ang pamahalaan sa pagsirit ng oil price na alam naman ng militanteng grupo, sampu ng kritikong hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 election na walang magagawa si PNoy, bakit hindi magsama at ipagdasal na matatapos ng mapayapa sa lalong madaling panahon ang nagaganap na mga kaguluhan sa mga bansa sa Gitnang Silangan at iba pa upang manumbalik ang presyo ng mga produktong petrolyo sa normal, hindi ‘yung puro “sound bite” sa “6:00 p.m. news” ang target.

Uulitin natin, walang kontrol ang pamahalaan sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo at ginagawa ang lahat ng bagay upang mapagaan ang dalahin ng publiko at tiyakin na hindi nasasamantala ang interes ng mga consumer.

***

Napag-usapan ang paghahanda, hindi ba’t kapuri-puri ang ginagawang hakbang ng pamahalaan na palakasin ang pagtugon sa iba’t ibang trahedya na maaaring tumama sa bansa -- ito’y magandang aksyon ni PNoy, sa pamamagitan ni Executive Secretary Jojo Ochoa.

Napakaimportante ang kahandaan at partisipasyon ng mamamayan para epektibong makatugon sa emergency situation -- ito’y isang positibong pagkilos matapos tumama ang napakalakas na 9.0 lindol sa Japan noong Marso. Sinimulan ni ES Ochoa ang programa sa mga kawani ng MalacaƱang, partikular ang Demonstration-Training on Natural Disaster Preparedness and Response System na isinagawa sa Mabini Hall.

Para mas epektibo ang resulta, binigyan ang mga opisyal at mga kawani ng Office of the President (OP) ng lectures mula sa mga eksperto mula sa Philippine Coast Guard, Balangay Voyage and Mt. Everest Expedition Teams, Rajah Sulaiman Fire Rescue Team, City Watch Bright Center, Tao Emergency Operation Center, UNTV Rescue, at Search and Rescue Unit Foundation.

Dapat lamang na suportahan ng pribadong sektor ang pamahalaan sa ganitong layunin sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil walang pinipiling oras at lugar ang kalamidad o trahedya.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: