Monday, May 9, 2011

Sila ang late!
REY MARFIL

JAKARTA, Indonesia --- Ipinakita ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang malaking malasakit sa mga kapus-palad na mag-aaral nang iutos ang pagkakaloob ng mas maraming scholarships at nais din nitong magkaroon ng malawakang technical at vocational training sa mga mag-aaral upang magkaroon ng malaking bilang ng mga estudyante na mayroong hindi matatawaran kakayahan, kasanayan at husay sa pandaigdigang pamantayan.

Hindi lang ‘yan, inaatasan din ni PNoy si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad na maghanap ng pondo para ayudahan ang scholarship programs ng Technical Education and Skills Deve­lopment Authority (TESDA) na pinamumunuan ni Director General Joel Villanueva.

Ang aksyon ni PNoy -- ito’y nag-ugat sa pagkakadiskubre ni Villanueva ng P1.3 bilyong halaga ang ipinagkaloob na scholarship vouchers ng nakalipas na admi­nistrasyon ng walang kaukulang pondo.

Dahil sa napakalaking iregularidad, naapektuhan ang operasyon ng ahensya at nalimitahan ang pagkakaloob ng scholarships sa mga mahuhusay na mag-aaral -- isang rason kung bakit hilahod ang opisina ni Villanueva.

Pangunahing itinataguyod ng TESDA ang pagyaman at paghubog sa teknikal na kasanayan ng mga Filipino na tinitingala sa buong mundo.

Take note: Hindi matatawaran ang kakayahan ng mga Pinoy, mapa-akademya o teknikal kaya’t nakakalungkot ang pagkaubos ng pondo sa nagdaang administrasyon na dapat pinapakinabangan ngayon ng mga mahihirap na estudyante.

***

Napag-usapan ang malasakit, ipinakita rin ni PNoy ang malaking puso ng administrasyon sa pagkalinga ng mga magsasaka at mangingisda nang maglaan ng P4.23 bilyong rice subsidy upang tulungan ngayong nagtapos ang panahon ng anihan.

Sa subsidiyang ito’y makikita natin kung gaano kalaki ang pagpapahalaga ni PNoy sa kalagayan ng mga sektor na grabeng naapektuhan ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa krisis sa mga bansang ma­yayaman sa langis at makapagbigay ng trabaho sa ilan na­ting mga kababayan.

Magagamit ang ayuda sa mga magsasaka at mangingisda bilang kanilang suweldo kapalit ng paglilinis ng mga bukirin na bahagi ng pagha­handa sa susunod na taniman ng mga binhi.

Naunang isinulong ng administrasyon ang ilang job generation program katulad ng pagkuha sa serbisyo ng 10,000 registered nurses para sa mga mahihirap na mga barangay sa buong bansa sa ilalim ng Registered Nur­ses for Health Enhancement And Local Service ng Department of Health (DoH) program at infrastructure-related Community-Based Employment Program (CBEP) na magkakaloob ng isang milyong hanapbuhay sa paggawa ng mga tulay, silid-aralan at irigasyon.

Sa ngayon, 80,000 mag-aaral ang tinutulungan ng pamahalaan sa nagaganap na summer job program sa ilalim ng the Special Program for Employment of Students (SPES).

Anyway, balik-Pinas kagabi si PNoy makaraan ang tatlong araw na pagdalo sa 18th ASEAN summit at balik-normal din ngayong araw ang lahat ng aktibidades sa Malacañang.

Nawa’y tigilan ng mga kritiko, sampu ng walang magawa sa buhay ang pang-iintrigang tanghali kung magsimula sa trabaho ang Pangulo dahil madalas pa ngang late ang mga kausap o bisita nito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: