Maagang bonus! | |
Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng militante at kilusang nag-iingay para lumaki ang donasyong natatanggap mula sa mga dayuhang donors, nasa katwiran si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino nang sabihin nitong hindi agarang makakamtan o mararamdaman sa magdamagan ang mga isinusulong na reporma ng Malacañang upang gumaan ang buhay ng mga manggagawa.
Ang good news, matindi ang dedikasyon ni PNoy na itulak ang kagalingan at interes ng mga obrero, kasabay ng pasasalamat nito sa malaking kontribusyon sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa, kasabay sa paggunita ng 109th Labor Day.
Magandang senyales ang pag-atas ni PNoy sa regional tripartite wages and productivity board (RTWPB) na bilisan ang pag-aaral para sa pagtataas ng suweldo ng mga manggagawa bilang tugon ng pamahalaan sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa pagsirit ng halaga ng mga produktong petrolyo.
Sa ganitong adhikain, balido ang panawagan ni PNoy sa mga may-ari ng kumpanya, mga lider ng paggawa at kanilang mga tagasuporta na tulungan ang pamahalaan na hanapan ng solusyon ang mga problema ng mga manggagawa.
Maganda ang hakbang ni PNoy na makipagpulong ang pamahalaan kada tatlong buwan o quarterly sa halip na taunan (yearly) sa sektor ng paggawa upang talakayin ang mahahalagang usapin at makahanap ng solusyon sa mga problema.
Asahang mabubuo dito ang magandang relasyon at samahan ng magkabilang partido kung saan maaaring ilabas ng labor groups ang nangyayari sa kanilang pagpupulong at progreso ng mga proyekto.
Isa pang magandang aksyon ni PNoy -- ang direktibang i-release nang mas maaga ang mid-year bonus at kaukulang karagdagang umento sa 1.4-milyong kawani ng gobyerno.
Sa nagdaang panahon, natatanggap ng mga government workers ang mid-year bonuses bago o matapos ang Mayo 15 habang sa buwan ng Hulyo ang 10% ng karagdagang suweldo, alinsunod sa ikatlong bahagi ng Salary Standardization Law.
Ang order ni PNoy, maagang ipamudmod ang pondo kaya’t maaaring matanggap ng mga government workers ang kanilang mid-year bonus anumang oras ngayon hanggang Mayo 15 habang sa Hunyo naman makukuha ang karagdagang umento, mas advance ng isang buwan ito.
At dapat ding irespeto ang posisyon ni PNoy kontra sa pagsasailalim sa regulasyon ng pamahalaan sa presyo ng mga produktong petrolyo. Take note: walang sapat na pondo ang pamahalaan at inuuna nito ang paglalaan ng pondo sa pro-poor programs, katulad ng conditional cash transfer (CCT) para sa mga mahihirap na pamilya, maging sa P7 bilyong subsidiya sa Metro Rail Transit (MRT).
Isang positibong balita ang subsidiya sa MRT ngayong tinitiyak ng Malacañang ang paglalaan ng pondo sa mga bagay na mas makakatulong sa nakakaraming Filipino -- ito’y hiwalay sa Pantawid-Pasada na ipinagkaloob ng Department of Energy (DOE) sa transport group, mangingisda at magsasaka.
***
Napag-usapan ang good news, hindi dapat sayangin ng publiko ang pagkakataong ibinigay ng Malacañang para sariwain ang kadakilaan ni Dr. Jose Protacio Rizal kung saan gugunitain ang kanyang ika-150 taong kapanganakan ngayong Hunyo 20.
Idineklarang special non-working holiday ni PNoy ang Hunyo 20 para mas maraming tao ang makalahok sa mga aktibidad na muling sasariwa sa kabayanihan ng pambansang bayani dahil nataong araw ng Linggo ang Hunyo 19.
Ang deklarasyon ng holiday -- ito’y inihayag ni Executive Sec. Paquito N. Ochoa Jr. alinsunod sa Proclamation No. 154 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong Abril 26.
Malinaw ang malaking pagpapahalaga ni PNoy sa espesyal na okasyon ngayong Hunyo 20 bilang pagpupugay sa kadakilaan ni Rizal, katulad ng commemorative rites sa Rizal Shrine sa Calamba City, Laguna kung saan ipinanganak ang pambansang bayani.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment