Monday, May 16, 2011

may 13, 2011

Bayad-lupa!
REY MARFIL
Aminin o hindi ng mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, walang katulad ang planong pagkalooban ng tig-dalawang ektaryang lupain sa mga lalawigan ang bawat pamilya ng “informal settlers” sa Metro Manila kung saan bibigyan din ang mga ito ng bahay at suportang agrikultural.

Ika nga ng mga kurimaw sa ilalim ng LRT station, animo’y tumama sa lotto ang ating mga kababayang mabibiyayaan ng magandang plano ng administrasyon -- ito’y hindi man lamang napag-isipan sa mahabang panahon kaya’t dumami ang “bakasyunista” sa Metro Manila, sa paniniwalang gaganda ang buhay kapag nakarating ng lungsod.

Kapag nangyari ito, hindi lamang luluwag at lilinis ang Metro Manila bagkus mabibigyan din ng disenteng buhay ang maraming mahihirap nating kababayan at matitiyak pa ang sapat na pagkain para sa bansa lalo pa’t tutulungan at tuturuan ng gobyerno sa tamang pagsasaka.

Ang sistema: Papasok sa isang “lease agreement” ang mga benepisyunaryo. Ang kondisyon naman ni PNoy: Kailangan nilang bungkalin, taniman at pagyamanin ang lupa at kapag nabigong tuparin ang kasunduan sa pagitan ng gob-yerno -- ito’y babawiin, as in pasensyahan.

Napakaresonable ng kondisyon at napakatalino ng paraan para paluwagin ang Maynila at isulong ang kabuhayahan at kaunlaran sa buong bansa, ewan lang kung meron pang masabi ang mga pulitikong “hindi makapag-move on” sa resulta ng eleksyon, sampu ng mga nag-iingay para mapansin bilang paghahanda sa 2013 senatorial election?

Sa kanyang pagbisita sa Jakarta, Indonesia para sa 18th summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), malinaw ang kuwenta ni PNoy sa harap ng 23-man Philippine media delegation, humigit-kumulang 560,000 pamilya ang informal settlers sa Metro Manila -- ito ang isa sa pinakamalaking problema ng gobyerno.

Sa tulong ng Department of Agriculture (DA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), mayroong 1.5 milyong ektaryang lupain na maaaring ipamahagi sa 560,000 pamilya -- ito ngayon ang pinapag-aralan ni PNoy kung paano ipamamahagi ng walang pasubali at pag-alinlangan.

Gaano man kalaki o kaliit ang lupang ipamamahagi, ang pinakamahalaga ngayon -- malaki ang pagkakataon ng maraming Filipino na guminhawa sa buhay, as in meron “option” na inilalatag ang pamahalaan kabaliktaran sa mahabang panahon kung saan pinapadami ang squatter ng ilang pulitiko para pakinabangan at pagkatapos ng eleksyon, ito’y pinababayaan.

***

Napag-usapan ang good news, hindi ba’t nakakatuwang marinig na nais gayahin ng Indonesia ang fuel subsidy o Pantawid Pasada Program (PPP) ni PNoy bilang alternatibo sa kanilang state-funded subsidy dahil sa mahal na mga produktong petrolyo.

Ibig sabihin, nakikita ng pamahalaang Indonesia na mas epektibo ang paraan ng Pilipinas para tulungan ang mga tao sa mahal na langis at mas maayos na paggugol sa government funds.

Positibo ang ganitong bagay lalo pa’t nakikita mismo ng mga dayuhang bansa, katulad ng Indonesia ang katalinuhan ng programa ni PNoy sa pagtulong sa mga Filipino na nahihirapan sa mataas na presyo ng mga produktong petrol-yo dulot ng nagaganap na political tension sa mga bansang pinanggagalingan ng langis.

Hindi lang sobrang positibo ang balitang ito bagkus nakakataba ng puso lalo pa’t isang oil-producing nation ang Indonesia na nangangailangan ng mga pagbabago sa kanilang paraan ng pagkakaloob ng fuel subsidy.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: