Wednesday, May 18, 2011

Para sa mga boss!
REY MARFIL

Bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan at hangaring iangat ang edukasyon sa bansa, naglaan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ng P7 bilyon para sa konstruksyon at pagkumpuni ng humi­git-kumulang siyam (9) na libong silid-aralan na inaasahang pakikinabangan ng 404,865 mag-aaral.

Mutain lang ang hindi makakakita kung gaano ka-sinsero at kalaki ang malasakit ng administrasyong Aquino na itaas ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa bilang epektibong paraan para maisulong ang kaunlaran at positibong pagbabago sa lipunan -- isang pagtupad sa ipi­nangako nu’ng nakaraang kampanya.

Hindi lang ‘yan, inihanda na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P3.38 mil­yong “standby funds” at P32.41 milyong halaga ng relief supplies para tulungan ang mga biktima ng bagyong Bebeng na labis na naminsala sa Kabisayaan at Bicol region.

Masasalamin kung papaano pinahahalagahan at gaano kasensitibo si PNoy sa kalagayan ng ating mga kababayan, lalung-lalo na ang nasa evacuation centers, sampu ng tinamaan ng bagyong Bebeng.

***

Napag-usapan ang aksyon ni PNoy, natatangi ang ma­tinding pagsusumikap nitong tiyakin na makikinabang ang milyun-milyong mga Filipino mula sa iba’t ibang mga programa ng pamahalaan.

Katulad ng sinabi ni Presidential Communication Ope­rations Office (PCOO) Secretary Sonny Coloma, tinututukan ng pamahalaan ang mga pangunahing prog­rama sa kabila ng mga malalaking hamon.

Sa ilalim ng Philippine Development Plan, nais ni PNoy na maglaan ang bawat departameto ng salapi para agarang madetermina at mabantayan ang performance ng bawat ahensya o departamento.

Napaka-importanteng agarang makita kung paano nagtatrabaho ang mga kasapi ng gabinete sa paggugol ng pondo ng pamahalaan sa pagtugon sa mga panga­ngailangan ng publiko, partikular sa mahihirap.

Kabilang sa mga pangunahing layunin ang pagpapababa sa antas ng kahirapan, pagkamit ng pito (7%) hanggang walong porsyentong (8%) gross domestic product (GDP) sa susunod na limang (5) taon at pagpapababa sa kakapusan ng pondo.

Puntirya ng pamahalaan na itaas ang ratio ng pamumuhunan sa gross domestic product (GDP) at makalikha ng isang milyong trabaho kada taon.

***

Balikan ang 18th ASEAN Summit, todo-kayod si PNoy para matiyak na magiging investment partner ang bansang Cambodia at Laos sa larangan ng pagkain, agrikultura at turismo.

Mismong si Cambodian Prime Minister Hun Sen ang humiling kay PNoy na maglatag ng pamumuhunan sa pag-aangkat ng bigas at pagbubukas ng balikang direct flights sa Manila at Cambodia. Ibig sabihin, magkakaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na muling ipakilala sa ating mga kapitbahay sa ASEAN ang kakayahan natin sa pamumuhunan.

Sa ASEAN Summit din, binalangkas ni PNoy ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng sampung (10) bansa sa pagresolba sa kalamidad at trahedya, problema sa droga at human trafficking, pamimirata, banta sa seguridad at terorismo at proteksyon sa overseas Filipino workers (OFWs), kabilang ang mga marino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)





No comments: