Wednesday, February 2, 2011

FEBRUARY 2, 2011

Share
‘Dedma’ ang good news!
Rey Marfil


Sa data ng National Statistics Coordination Board (NSCB), malinaw ang pagkakasulat kung ano ang tunay na kalagayan ng ekonomiya -- ito’y umakyat sa 7.3% bago nagtapos ang taong 2010, nag-remit ng P29.25 bil­yon ang government owned and controlled corporations (GOCC’s) na dating ‘gatasan’ ng mga nakaupong director at kaliwa’t kanan ang nagpapasukang foreign investors at libu-libo ang ibinibigay na trabaho. Kaya’t hindi masisisi si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kung maglitanya sa K4 Philippines Intercessors Convergence sa World Trade Center na tanging bulag at bingi ang hindi nakakapansin sa pagbabago.
Maging ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ibinali­tang pumalo sa P822.39 bilyon ang kinita o koleksyon ng nakaraang taon -- ito’y mas mataas ng P72.10 bilyon kumpara sa P750.29 bilyon noong 2009, katumbas ang 9.61% pag-angat, as in ‘di hamak na mas magaling mangolekta ng buwis ang administrasyon ni PNoy. Take note: 6-buwan pa lamang nagtatrabaho si Commissione­r Kim Henares, simula July 1 hanggang December 31. Higit sa lahat, nabalitaan n’yo ba kahit sa mga taong nagsusulat sa ‘dahon ng saging’ na nagnakaw ang Pangulo?
Sa report ng BIR, malinaw ang katotohanang nagkaroon ng recovery sa tax collection lalo pa’t nakapagtala ng negative 3.6% year-end collection growth noong 2009. Sa unang anim na buwan, simula Enero hanggang Hunyo -- ito’y sa panahong nalalapit ang pag-exit ni Mrs. Arroyo, tanging 8% ang inangat sa tax collection, malayo sa 12%, simula Hulyo hanggang Disyembre nang maupo si PNoy. Kaya’t hindi imposible o isang panagi­nip ang pagpuntirya ni Commissioner Henares sa 14% increase ngayong taon.
***
Napag-usapan ang good news, nagkaroon ng kasunduang ‘50/50 shares’ sa pagtatayo ng classroom ang ilang organisasyon at local executives, alinsunod sa nilagdaang memorandum of agreement ng Department of Edu­cation (DepEd), League of Municipalities of the Phi­lippines (LMP) at Department of Budget and Management (DBM) -- ito’y layuning matakpan ang 152 libong classroom gap at maabot ang pinupuntiryang 1:45 classroom students ratio.
Sa ilalim ng ‘50/50 shares’, magiging ‘equally share’ o ‘hating-kapatid’ sa bawat sentimong gastusin sa pagtatayo ng classroom ang local executives at DepEd -- dito makikitang nagkakaroon ng katuparan ang ‘tuwid na daan’ dahil malaki ang tiwala ng publiko kay PNoy taliwas sa nagdaang panahon kung saan walang nakukuhang tulong ang national government sa ibaba.
Kahit nagkaroon ng 19% increase sa annual budget ng DepEd ngayong taon, hindi pa rin makakasapat ang inilaang pondo sa konstruksyon ng bagong classroom lalo pa’t meron iba pang pinagkakagastusan ang departamento, simula pasahod hanggang pambili ng eraser at chalk. Ibig sabihin, nakakatuwang isiping binuhay ng local executives at national government ang nakaugaliang ‘bayanihan system’ ng mga Pinoy.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko kung gaano kalaki ang problema sa DepEd bago pa man mag-resign si Secretary Armin Luistro sa La Salle para pumasok sa pamahalaan, malinaw ang humigit-kumulang isang mil­yong ‘new entrants’ sa public school kada taon, nanga­ngahulugang napakalaki ang pangangailangan sa classroom at mas lalong sasakit ang ulo ni Brother Armin kung saan isiksik ang milyong kindergarten ngayong compulsory sa public schools.
Sa pagpasok ng school year 2011-2012, magiging compulsory na dapat dumaan sa kindergarten ang isang batang papasok sa Grade 1 -- isang pamamaraan ng gobyerno para tiyaking handa ang bata sa pag-aaral at maiangat ang edukasyon sa bansa -- ito’y bahagi ng kuwento ni PNoy sa kampanya. Sa halip ituro ng bata ang pinakamalapit na restaurant sa tanong ng isang foreigner na ‘Where can I go to eat’, sumagot ang bata ng “Wanna buy watch Joe?”. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: