Nakakapanginig ng laman! | |
Spy on the Job ni Rey Marfil February 16, 2011 |
Sa datos na inilabas ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares, hindi lang nakakalungkot bagkus nakakalula at ‘nakakapanginig ng laman’ ang bawat numerong ‘na-convert’ sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nagdaang ilang taon. Ang good news lamang ito’y hindi mauulit at malinaw ang binitawan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino habang nagpapaulan at nagpakabasa sa harap ng mga sundalo sa Jolo, Sulu noong Pebrero 11.
Kung pagbabatayan ang kuwenta ni Colmenares, humigit-kumulang P180 bilyon ang ‘tumagas’ sa AFP-DND budget, as in ‘pinagpartehan’ ng iilan sa nagdaang 9-taon gayong dapat sana’y pinakinabangan ng mga sundalong nakikidigma at nagbubuwis ng buhay upang panatilihin ang seguridad at kasarinlan ng bansa, sampu ng pamilyang umaasa sa benipisyo ng mga ito.
Hindi kailangan pang inguso kung sino ang promotor sa ‘multi-bilyon pisong conversion’ sa AFP budget ito’y “NABABASA at NASUSULAT” sa bawat peryodiko, maliban kung patuloy na nagbubulag-bulagan sa eskandalo at pabaliktad kung magbasa ng diyaryo o kaya’y tinatakpan ang tainga kapag nagbubukas ng AM radio para hindi maramdaman ang bawat batikos?
Alinsunod sa statistic na inilabas ni Colmenares, nagkakahalaga ng P50.3 bilyon ang hininging alokasyon sa personal services ng AFP sa mga kongresista at senador noong 2002 -- ito’y pasahod sa 134,499 uniform and non-uniform employees. Ang nakakagulat, tanging P24.2 bilyon lamang ang lehitimong pinapasahod, malinaw ang paglobo ng P24.2 bilyon, animo’y ‘na-master’ ang ‘dagdag-bawas’ na kahit hindi eleksyon, meron ‘special operations’.
***
Napag-usapan ang exposé ni Colmenares, may kabuuang P32.2 bilyon din ang hininging personal services fund ng AFP sa Kongreso noong 2003 subalit P12.9 bilyon lamang ang ipinasahod sa uniform and non-uniform employees -- ito’y sumobra ng P19.2 bilyon dahil 134,768 lamang ang naitalang kawani ng AFP.
Sa taong 2004, alinsunod sa kuwenta ni Colmenares sumobra ng P19.3 bilyon ang personal services fund ng AFP ito’y humingi ng P34.8 bilyon bilang pasahod sa 140,453 kawani at inaprubahan naman ng Kongreso subalit P15.5 bilyon lamang ang nagamit sa pondo at hindi naman nagsoli sa National Treasury o kaya’y namudmod ng cash gift.
Halos iisa ang ‘pattern’ dahil ganito rin ang ending sa AFP budget noong 2005 (142,160 positions) at 2006 (142,203 positions) ito’y humirit ng P35.8-bilyong personal services fund gayong P18.2 bilyon lamang ang inilaan sa salary. Take note: halos magkapareho ang hininging annual budget at bilang ng mga kawani.
Kasing-laki din ng 2005 at 2006 annual budget ang hiningi ng AFP-DND noong 2007 (143,993 positions) ito’y nagkakahalaga ng P35.8 bilyon gayong P17.4 bilyon lamang ang ginastos sa pasahod, as in halos kalahati sa inilaang pondo ng Kongreso sa personal services ang pinapa-account ni Colmenares.
Sa 2008 budget, nagkakahalaga ng P36 bilyon ang personal services gayong P17.3 bilyon lamang ang nagastos sa 135,669 personnel, ganito rin ang kuwenta ni Colmenares noong 2009 ito’y lomobo ng mahigit P20 bilyon dahil P19.2 bilyon lamang ang ipinambayad sa pasahod (135,580 positions) gayong humingi ng P41.2 bilyon, pinaka-latest noong 2010 humingi ng P41.3 bilyon sa personal services samantalang P19.4 bilyon (137,453 positions) ang nagastos. Laging tandaan: Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment