Monday, February 7, 2011

Spy on the Job 02/07/2011


Nakatipid sa lawa!

Isang malaking kalokohan kung babawiin ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III ang nilagdaang Executive Order No. 23 -- nagdeklara ng moratorium sa pagputol ng mga puno at naglilikha sa Anti-Illegal Logging Task Force, ngayon pang lubog sa baha ang Mindanao at ilang bahagi ng Visayas region.

Mantakin niyo, pati Abu Sayyaf napabalitang nakihalo sa evacuations -- ganito kalalim ang problema sa illegal logging.

Sa bawat problema, mapa-bigas o walang pambili ng suka -- ito’y isinisisi sa pamahalaan, sinuman ang nakaupo sa Malacañang.

At ngayong merong isang katulad ni PNoy -- buo ang loob at walang takot, anuman ang magiging resbak ng mga illegal loggers -- ito’y marapat lamang suportahan ng publiko at isipin kung anong buhay ang kahaharapin ng mga susunod na henerasyon kung walang tigil ang pagputol ng mga kahoy, maliban kung ‘type’ mag-ala Kevin Costner sa pelikulang Water World?

Napakasimple ang nilalaman ng EO 23 -- detalyado ang sakop ng logging moratorium at walang total log ban na ipinapatupad ang pamahalaan, nangangahulugang illegal logging ang target ng Malacañang at pinoprotektahan lamang ang lahat ng watershed at river system sa bansa.

Kung legal ang operasyon, hindi kailangang katakutan ang EO 23, ma­liban kung kinakasangkapan lamang ang nakuhang business permit upang pagtakpan ang illegal operations ng kumpanya.

***

Napag-uusapan ang watershed at river system, isang ‘bagong mukha’ ng Laguna Lake Dredging Project ang ipinalit ni PNoy bilang tugon sa pinsalang iniwan ni Ondoy (Ketsana) noong September 26, 2009.

Hindi ba’t lumawak hanggang 115 libong ektarya ang Laguna de Bay gayong 80 libong ektarya ang orihinal nitong sukat, maliban kung nakalimutan ng publiko ang libu-libong pamilya at kabahayang nalubog sa tubig-baha, maging ang 288-kataong nasawi sa trahedya?

Sa kaalaman ng publiko, nilikha ni Mrs. Arroyo ang Executive Order No. 815 noong July 6, 2009 -- ito’y naglalayong isailalim sa rehabilitasyon ang Laguna de Bay upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.

Take note: Nagkakahalaga ng $18.7 bilyon ang proyekto subalit lumikha ng maraming katanungan at kontrobersya -- ito’y napasakamay ng isang Belgian company at inabutan ni PNoy sa lamesa ang kontrata.

Ang nakakalungkot lamang, kung gaano kalalim ang tubig-bahang ibinuhos ni Ketsana at kung paano lumawak ang Lawa ng Laguna, ganito rin ang resulta ng kontrata -- lumobo ang halaga at hindi ‘na-impress’ si PNoy sa sistema. Ang good news: Nakuha sa mas mababang presyo ang dredging project na pinondohan ng World Bank (WB) at Royal Netherlands.

Halos kalahati ang nabawas sa bagong Laguna Lake rehabilitation plan ni PNoy -- ito’y nagkakahalaga lamang ng $10 bilyon sa kaparehong proyekto, as in nakatipid ng $8.7 bilyon sa kaban ni Juan dela Cruz, partikular ang mga nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno at lilikha ng maraming trabaho kapag naitayo ang iba’t ibang negosyo sa lakeshore park.

Hindi lamang sa rehabilitasyon at dredging ng Laguna de Bay nakasentro ang pondong ipinahiram ng dalawang international funding agency -- ito’y gagamitin sa deve­lopment ng transport systems, ports at marina -- isang paraan ni PNoy upang mabawasan ang problema sa squatters at trapiko sa Metro Manila, malinaw ang pagtupad sa ‘matuwid na daan’. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: