Kasabay ang pagdiriwang ng 51st birthday noong February 8, inilabas ng Social Weather Station (SWS) ang performance rating ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III at malinaw ang bawat numero -- nananatiling mataas ang grado at pinagkakatiwalaan ng sambayanang Filipino sa kabila ng samut-saring pang-iintriga sa buhay nito, sa pangunguna ng mga talunan at hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 elections.
Tatlo sa apat na Pilipino ang kuntento o bilib sa pagtitimon ni PNoy -- ito’y nakapagtala ng 74% sa government’s general performance rating, alinsunod sa SWS survey kinomisyon ng Business World noong Nobyembre, nangangahulugang ‘very good’ ang administrasyong PNoy kahit pa ibawas ang naitalang 10% diskuntento dito.
Bagama’t nabawasan ng 19% sa Metro Manila (49%) -- ito’y nananatiling ‘good’ at mataas pa rin ang grado ng administrasyon sa Luzon (69%), Visayas (59%) at Mindanao region (67%). Ang naitalang 64% net satisfaction rating ng Aquino administration noong November -- ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan, as in ‘record-high’ kumpara sa 38% ni Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada sa kaparehong survey noong 1998, maging sa iba pang naupo sa presidential position.
Kung pagbabatayan ang socioeconomic classes, naka-score ng 65% net satisfaction rating sa Class E ang Aquino administration; 64% sa Class D; at 62% sa Class ABC. Sa foreign relations, nakapagtala ng “very good” si PNoy, as in 55% net satisfaction rating ang grade -- pinakamataas sa 14 issues na itinatanong ng SWS sa mga respondents.
***
Napag-uusapan ang numero, labing-dalawa sa labing-pitong priority bills ang isusumite ni PNoy, kasabay ang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting ngayong February 28 -- ito’y sumailalim sa pagbusisi ng 5-working groups, pinangasiwaan ni Executive Secretary Jojo Ochoa. Naka-sentro ang priority bills sa human development (4 bills); infrastructure development (1 bill); economic development (1 bill); sovereignty security and rule of law (4 bills); at good governance (2 bills).
Hindi kabilang sa priority bill ang Reproductive Health Care (RH bill) pinag-iinitan ng Simbahan tuwing magmimisa kada Linggo kaya’t walang dapat ipag-alburoto ang kaparian, katulad ang pagbabantang ‘civil disobedience’, maliban kung gusto lang ‘magpagod’ ang mga ito? Ang pinagtataka ng mga kurimaw, kung bakit hindi marinig at makita ng Simbahan ang pulso ng sambayanang Pilipino gayong “NABABASA at NASUSULAT” ang katotohanang majority ng mga Pinoy, as in 70% ang pabor sa RH Bill -- ito’y malinaw sa survey.
***
Humigit-kumulang siyam na milyong elementary students sa public schools ang nasakop sa expanded oral health care program ng gobyerno -- ito’y isang pamamaraan ng Department of Education (DepEd), sa pamamagitan ng School Health and Nutrition Center at Adopt-a-School Program (ASP) upang iangat ang antas ng edukasyon at burahin ang dumaraming bulakbol sa eskwelahan.
Isang memorandum of agreement (MOA), sa pagitan ng DepEd at Colgate Palmolive Philippines, Inc. (CPPI) ang nilagdaan upang i-promote ang oral health care sa lahat ng public schools sa buong bansa at puntirya ang 9 na milyong mag-aaral sa loob ng tatlong taon -- ito’y paraan ng gobyerno para mabawasan ang mga ‘iskul-bukol’, katulad ang ‘absenteeism habit’ at pagtatago sa ‘kasagingan’ kapag sumakit ang ngipin o tiyan. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment