Monday, January 31, 2011

January 31, 2011

Share
Kauna-unahan sa Pilipinas!
Rey Marfil


Sa nagdaang ilang taon, barya lamang ang dibidendong ipinagkakaloob ng mga government owned and controlled corporations (GOCCs) -- ito’y kabaliktaran sa loob ng anim na buwang panunungkulan ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, malinaw ang P29.25 bilyong ibinalik sa taong bayan upang pondohan ang mga serbisyong panlipunan at programa laban sa kahirapan, animo’y ‘mala-dzRH radio slogan’ na ‘Kauna-unahan sa Pilipinas’ ang kaganapang ito.
Labing-siyam na korporasyong pagmamay-ari at kontrolado ng gobyerno ang kumita ng P29.25 bilyon kaya’t nagtatanong ang mga kurimaw kung bakit ngayon lamang nagkaroon ng malaking dibidendo. Ang sagot -- ito’y bunga ng kautusang pagtitipid at pagtapyas ni PNoy sa ‘nagmamantikang perks’ ng mga nakaupong board of directors. Take note: ‘lumalangoy sa dagat ng benefits at allowances’ ang mga director sa nagdaang 9-taon.
Sa ceremonial turnover ng remittances at cash dividends sa Malacañang noong nakaraang Biyernes, ipinagdiinan ni PNoy sa harap ng GOCCs officials, sampu ng mga admi­nistrador ang litanyang ‘pagmamay-ari ng sambayanang Fi­lipino ang dibidendo at hindi kasosyo ang sinumang board of directors -- ito’y dapat ibalik sa publiko dahil sila ang lehitimong Boss.’
Nanguna ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagkaloob ng malaking dibidendo -- ito’y may kabuuang P14.23 bilyon; Land Bank of the Philippines (P4 bilyon); Development Bank of the Philippines (P2.8 bilyon); Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (P2 bilyon); Ba­ses Conversion Development Authority (P1.8 bilyon); Manila International Airport (P1.49 bilyon); Philippine Fishe­ries Development Authority (P2 million); National Home Mortgage Finance Corp. (P3 million); National Electrification Administration (P14.5 million); Cebu Ports Authority (P40 million); National Development Company (P49.4 million); Clark Development Corporation (P100 million); Phi­lippine Leisure and Retirement Authority (P140.6 million); Trade Investment and Development Corporation (P150 million); Philippine Economic Zone Authority (P221 million); Philippine National Oil Company (P452.9 million); Philippine Deposit Insurance Corporation (P500 million); Philippine Reclamation Authority (P335 million); at Philippine Ports Authority (P650 million).
Ang remittances at cash dividends ang magsisilbing sandata ng gobyerno laban sa kahirapan at isa sa repormang nais ipatupad ni PNoy ang pagkaroon ng transparency upang mapangalagaan ng mga nakaupong GOCCs officials ang pondo at pagkatiwalaan ng mamamayan -- ito’y nangangaila­ngan ng isang batas lalo pa’t magkakasalungat ang nilalaman ng mga probisyong umiiral sa kasalukuyan.
***
Napag-usapan ang GOCCs, isa sa priority measures ng Malacañang ang Senate Bill No. 2640 ni Senator Franklin Drilon, mas kilalang GOCC Governance Act of 2011 -- ito’y naglalayong magkaroon ng transparency at pananagutan ang bawat isa lalo pa’t kulang sa malasakit sa pondo ang mga nakaupong opisyal sa nagdaang panahon. Take note: $141 bil­yon ang total assets at $41 bilyon ang equity ng GOCCs, as in P6 trilyon ang dapat kinita, alinsunod sa kuwenta ni Finance Sec. Purisima kung hindi napabayaan.
Kung babalikan ang unang buwan ni PNoy sa Malacañang, hindi ba’t natuklasan ng Pangulo ang naglalakihang allowances ng board of directors kaya’t inilabas ang Executive Order No. 7 -- ito ang nagsilbing sandata upang isaayos ang kompensasyon at posisyon, as in nagkaroon ng classification system sa GOCCs, maging sa lahat ng government financial institutions (GFI’s). Ang resulta: nakapag-remit ngayong Enero ng P29.25 bilyon ang 19-GOCCs dahil nabura ang malaking ‘gatasan’ sa gobyerno.
Ilan sa repormang nais ipatupad ni PNoy ang pagbibi­gay ng kapangyarihan sa mga GOCCs board of directors na lumagda sa performance contract sa ilalim ng Office of the President (OP), maging ang mga kalihim na nangangasiwa upang magkaroon ng batayan para sibakin sa puwesto ang mga board of directors na hindi tumutupad sa tungkulin. Higit sa lahat, magkakaroon ng ‘IT-based reporting system’ upang malaman ng publiko ang financial at operational results, maging patakaran at pasahod. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: