Monday, January 3, 2011

Spy on the Job Jan 3, 2011

Matigas ang ulo!
Rey Marfil


Kahit kasing-dami pa ng mga TV ads ng nakaraang presidential campaign ang babala sa pagpaputok, hindi mababago ang bilang at dami ng mga sinusugod sa ospital dahil likas sa mga Filipino ang matitigas ang ulo -- ito’y ‘ugaling-Pinoy’ na kailanman hindi makukuha sa pakiusapan o kahit gumamit ng sinturon.
Dalawang araw bago magpaalam ang taong 2010, walang ibang headlines o laman ng balita, mapa-television, radyo, at peryodiko, maging sa kaliit-liitang tabloid kundi ang katigasan ng ulo ng mga Pinoy. Kung hindi litratong busalsal ang daliri dahil sa piccolo, tinamaan ng ‘pla-pla’ ang nguso o kaya’y nahagisan ng ‘trianggulo’ ang magkabilang paa.
Bago mag-December 31, humigit-kumulang 100-katao ang biktima ng piccolo at nakakalungkot isiping merong pamilyang nagsasaya dahil malaki ang benta sa mga pa­putok ngayong Bagong Taon subalit meron ilang pamilya ang naghahagilap ng pampagamot at naka-confine ang anak sa isang government hospital dahil ‘nadale’ ng paputok.
Sa radio reports, mala-fiesta ang lugar ng mga tindahan ng paputok sa Bocaue Bulacan. At kahit nagtaas ng 30% ang presyo, mas malaki pa rin ang kinita ng mga nagtitinda habang na-doble rin ngayong taon ang isinusugod sa hospital. At madalas biktima ang mga bata -- ito’y dala ng kawalang malay kung anong ginagawa ng mga nakakatanda.
***
Napag-usapan ang paputok, mismong si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, hindi naitago ang pagkalungkot sa pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan sa paputok, pinakamaraming bilang ang mga bata, malinaw ang kawalan ng paggabay o pag-aruga ng mga magulang kaya’t nadidisgrasya.
Kung hindi hinahayaang pakalat-kalat sa kalye ang mga anak at binabantayan ng mga magulang, sana’y walang batang umiiyak sa emergency room ngayong Bagong Taon, ganito lang ka-simple ang mensaheng gustong iparating ni PNoy. Take note: likas sa mga bata ang nakikiusyoso kaya’t kasalanan ng mga magulang kung nahahagisan ng piccolo o kaya’y pla-pla ang mga ito.
Hindi rin maaaring isisi sa gobyerno ang paglakas ng bentahan ng mga paputok lalo pa’t maraming pamilya ang nabubuhay sa ganitong negosyo at minsanan lamang kada taon. Kapag ipinagbawal ito, asahang ‘mas maingay’ pa sa piccolo at crying cow ang bunganga ng magmamartsa patungong palasyo, kasama ang militanteng grupo -- ito’y siguradong maghuhuramentado dahil bahagi sa kulturang Pinoy ang pagsalubong sa Bagong Taon, gamit ang iba’t ibang uri ng paputok.
Hindi kuntento sa simpleng pag-iingay ang mga Pinoy kaya’t hindi uubrang ipagbawal ang pagbebenta ng pa­putok. Ika ni Kuya Jun Lugtu mula Rockwall Texas, “mas maingay, mas enjoy sa pagsalubong ng Bagong Taon”. Ang madalas pang reklamo ng mga ‘feeling-macho’: pambata lamang ang torotot kaya’t asahang taun-taon, padami ng padami ang nasa emergency room dahil sa katigasan ng ulo. Anyway, Isang Mapayapa at Makatwirang 2011 sa inyong lahat! Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: