Malinaw ang direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa lahat ng gabinete bago mag-Pasko -- ito’y kailangang sumunod sa tradisyon — ang pagsumite ng performance report upang matimbang ang sarili kung nagampanan ang tungkulin sa loob ng 6-buwang panunungkulan ng mga ito. Kaya’t busy si Presidential Management Staff (PMS) chief Julia Abad sa pagtanggap ng accomplishment report. Sa ganitong sistema, matutukoy ni PNoy kung nasusundan ng mga itinalagang gabinete ang 16-point social contract ng nakaraang kampanya — ito’y nakapaloob sa medium-term priority development plan ng Pangulo. Sa kabuuan, hindi maaring akusahang ‘OJT’ (on the job training) ang mga itinalagang gabinete ni PNoy, aba’y subukang lumingon ng mga ‘nagmamagaling’ sa camera, hindi ba’t maganda ang takbo ng ekonomiya sa nagdaang 6-buwan? Take note: Hindi nakukuha sa gara ng diploma at pagalingan sa pag-Ingles ang pangangasiwa ng isang ahensya. Ika nga ng mga kurimaw: ‘Mas beterano sa gobyerno, mas ekspertong magnakaw ng pondo’. Kaya’t maling husgahan ang credentials ng mga itinalagang gabinete ni PNoy kung naayon lamang sa apelyido. Ibig bang sabihin, kahit gaano katalino ang isang tao, ito’y wala ng karapatang magpatakbo ng isang departamento kung hindi ka-apelyido ng mga antigo sa gobyerno? Kaya’t konting konsiderasyon sa mapanghusgang kritiko! *** Napag-usapan ang ‘konting konsiderasyon’, hindi pa huli ang lahat upang pag-isipang mabuti ng mga mahistrado kung paano makakabawi sa pagkakakabasura ng Truth Commission. Malay n’yo, mag-aparisyon si Nora Aunor at magkaroon ng “Himala’ pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon. Kahit idineklerang illegal ang Truth Commission ng mga mahistradong na-appoint sa panahon ni Mrs. Arroyo, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si PNoy at patuloy umaasang lukuban ng magandang espiritu ngayong Kapaskuhan ang buong hudikatura — malinaw ang isinumiteng motion for reconsideration. Sa motion for reconsideration na isinumite ni Solicitor General Jose Cadiz sa Supreme Court (SC), ipinagdiinan nitong hindi labag sa Konstitusyon ang paglikha ng Truth Commission at walang nalihis sa alinmang ‘equal protection clause’, katulad ng gustong palabasin ng mga mahistradong bomoto pabor sa interes ni Mrs. Arroyo. Tatlong (3) isyu ang pinuntuhan ni Cadiz: 1) hindi labag sa ‘equal protection clause’ ang Truth Commission dahil ang kautusang taga-pagpaganap — ito’y hindi hangad idiin lamang ang nagdaang administrasyon; 2) hindi tumukoy sa sinumang tao, kundi sa mga hindi kapani-paniwalang transaksyon: at 3) walang ‘invidious classification’ ng transaksyon sa nakalipas na administrasyon sapagka’t nakasalig sa mga substantial distinctions. Hindi lang iyan, pinuntuhan ng Solicitor General sa isinumiteng motion for reconsideration ang naunang deklarasyon ng Korte Suprema — ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng Pangulo na magsiyasat upang matiyak na maipapatupad ang batas. Kaya’t hindi pa huli ang lahat sa mga mahistrado, laging alalahanin ang mensahe ng mga nagka-caroling, “Bagong Taon, Magbagong Buhay.” Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment