Tanging ‘row four’ at ‘malapit sa basurahan’ ang hindi makaintindi sa biniling sports car ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, aba’y napakalinaw ang detalye kung paano na-acquire ang Porsche -- isang second hand at third party ang Pangulo -- ito’y nakadetalye sa report ni Gil Cabacungan ng Philippine Daily Inquirer. Take note: swap lamang sa BMW ang Porsche dahil naibenta (P4.5 milyon) sa kaparehong halaga ito. Hindi lang iyan, sariling pera ang ipinambili ni PNoy ng Porsche -- ito’y nagmula sa pinagbentahan ng lumang BMW (2006 model) at kahit singkong duling o bengkong -- walang hinugot sa kaban ng gobyerno. Kaya’t isang malaking kalokohan na pag-initan at kuwestyunin ang P4.5 milyong ipinambayad sa Porsche lalo pa’t P50 milyon ang nakalista sa 2009 Statement of Assets and Liabilities (SALN) ng Pangulo. Ibig sabihin, milyonaryo si PNoy bago pa man pumasok sa gobyerno. Bakit sa panahong nakaupong Congressman ng Tarlac at tumakbong senador si PNoy, walang sumita sa biniling Toyota Land Cruiser nito? Maging sa panahong nakaupo itong senador, hindi rin pinansin ng mga kritiko ang biniling P4.8 milyong BMW (second hand) noong 2008. At ngayong ibinenta ang BMW at legal naman ang pagkakabili sa Porsche, ito’y pinag-iinitan gayong lumalabas pang nalugi ng P300 libo dahil naisalya lamang sa P4.5 milyon ang lumang sasakyan nito. Kung tutuusin, maituturing pa ring lumang modelo ang biniling Porsche ni PNoy -- ito’y 2007 model, ‘di hamak mas matitikas ang mga sasakyang nakaparada GSIS-Senate compound at Batasan Complex. Take note: Kailan n’yo nabalitaang bumili ng mamahaling damit, relo o kaya’y mansion si PNoy, hindi ba’t pinagtatawanan pa nga ng mga kritiko ang pantalon nito? Noong nakaraang kampanya, pangunahing isyung ipinukol kay PNoy ang pagiging ‘haciendero’, kabilang ang pagkalkal sa kayamanan ng mga ninuno -- ito’y ‘kinapital’ ng mga kalabang presidentiables, mapa-advertisement o entablado kaya’t nakakapagtakang ginagawang isyu ngayon ang pagbili ng Porsche gayong sa simula -- nalalamang ‘can afford’ ang pamilya ni PNoy. *** Napag-usapan ang Porsche, mismong si Senate President Juan Ponce Enrile -- kilalang kritiko ni dating Pangulong Corazon Aquino ang unang nagtanggol kay PNoy sa pagbili ng Porsche. Ang sabi ni Manong Johnny “Why should we deny the highest leader of the land to have a Porsche? You want him to have a bicycle?” Kundi pa maintindihan ng mga kumag -- “alangang magbisekleta si PNoy” pagpunta ng Tarlac nito? Kundi pa rin ‘ma-gets’ ang tinuran ni Manong Johnny, alangang kariton ang gawing service ni PNoy kung palaging gagamiting pakulo ng militanteng grupo ang usapin ng kahirapan gayong sila mismo nakasakay sa magarang service vehicle papasok ng Batasan compound. Kung nakabili man ng P4.5 milyong Porsche si PNoy -- ito’y makatwiran lamang lalo pa’t walang pamilyang tinutustusan at walang pinag-aaral na anak. Abangan ang karugtong. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment