Wednesday, January 26, 2011

January 26, 2011

Share
Pamatay-sunog!
Rey Marfil


Bagama’t nakakalungkot at kasumpa-sumpa ang pagpaslang sa dalawang (2) car dealers -- sina Emerson Lozano at Venson Evangelista, maling ilarawang ‘crime wave’ ang insidente, katulad ng reklamo ni DILG Secretary Jesse Robredo, malinaw ang crime statistics na inilabas ni PNP chief Raul Bacalzo sa publiko -- mas mababa ang krimen ng nakaraang taon (2010) kumpara noong 2009.
Kahit sa kaso ng carnapping, mas mababa noong 2010 kumpara noong 2009. Ang kagandahan lamang, tinanggap ni Robredo ang pananagutang masusugpo ang ‘crime wave’ na ipinupukol ngayon sa kanyang liderato -- ito’y napatunayan ng PNP sa maikling panahon matapos maaresto ang mga itinuturong suspek at sangkot sa krimen.
Dalawa ang dimension ng problemang kinakaharap -- ang maaresto at ikulong ang mga mastermind at iba pang kasapakat sa pamamaslang kina Lozano at Evangelista, sampu ng nabiktima ng carjacking sa buong bansa. Hi­git sa lahat, kailangang iwasang magkaroon ng ‘mini-series’ ang ganitong krimen -- ito’y sagabal sa ‘matuwid na daan’ lalo pa’t nararamdaman ngayon ng publiko ang reporma at pagbabago sa pamahalaan.
Sa loob ng dalawa (2) hanggang tatlong (3) linggo, ipinangako ni Robredo na mas lalo pang bubuti ang katahimikan at kaayusan ng bansa ngayong pinag-ibayo ng DILG ang kampanya laban sa kriminalidad, katulong ang local government units (LGUs) upang hindi maulit ang mga kauring karahasang sinapit ng dalawang (2) car dealers.
Maliban sa nagpapatrulyang pulis, pinakilos ng DILG sa labas ng Metro Manila ang Regional Mobile Group (RMG) at Special Action Force (SAF). Kaya’t huwag ikagulat kung nagkalat ang mga naka-motorsiklong police officer sa Metro Manila -- ito ang magsisilbing mata at unang reresponde sakaling magkaroon ng panibagong carnapping sa isang lugar.
***
Napag-usapan ang DILG, magiging bukas sa publiko ang pagsubasta sa lahat ng bibilhing fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP), alinsunod sa direktiba ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- ito’y upang maiwasan ang illegal transaction, katulad ng nakaugalian sa mahabang panahon, as in “iba na ngayon” kaya’t tustado ang tuka ng mga ulupong, sampu ng naglalaway sa multi-mil­yon pisong komisyon.
Lahat ng kumpanya o negosyante, mapa-small time o big-time firm -- ito’y malayang makakasali sa bidding process ng BFP, as in malayang makakalahok sa gagana­ping pagsubasta sa lahat ng mga bibilhing kagamitan ng bureau hangga’t kuwalipikado -- isang polisiyang kinaligtaan sa mahabang panahon at malaking pagbabagong ipi­nag-utos ni PNoy.
Sa pag-aaral ng DILG, hindi nagamit ng BFP ang tamang paraan sa pagsubasta ng mga binibiling kagamitan -- pangunahing rason kung bakit dispalinghado ang mga gamit dahil mas malaki ang pondong naitatapon o naibubulsa ng mga tiwaling opisyal -- ito’y naging ma­laking ‘institusyon’ sa iba’t ibang departamento at sa­ngay ng gobyerno. Ang good news, makakahipo na rin sa wakas ng bagong fire truck ang 689 bayan dahil prayoridad ang mga ito.
Mismong si Robredo, inaming tumatagas ang pera sa procurement ng BFP kaya’t hindi nakakapagtakang sablay ang pagresponde ng mga pamatay-sunog. Isang halimbawa ang breathing apparatus -- meron nag-bid ng P78 milyon subalit na-award ang kontrata sa nag-alok ng P198 milyon, as in mahigit doble sa kumpanyang nag-offer ng pinakamababang presyo gayong magkapareho ang specifications -- malinaw ang ‘palakasan system’ at maniobrahan upang pagkakitaan ang proyekto. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: