Sa panahong nababalot ng kadiliman ang Pilipinas, sa ilalim ng diktadurya, malaki ang ginampanang papel ng ‘mosquito press’ upang maituro ang tamang-daan at pagbibigay ng kaalaman sa sambayanan -- ito ang mensahe ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa ika-28 taong anibersaryo ng Malaya Business Insight. Noong nakaraang Enero 20 (Huwebes), kinilala ni PNoy sa kanyang talumpati ang matapang o walang takot na pagbabalita ng Malaya sa panahon ng Martial Law, sa ilalim ng rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos at makahulugan ang bawat katagang binitawan ng Pangulo sa kalayaang tinatamasa ngayon ng sambayanang Filipino. “Hindi lang ang ika-28 taon ng Malaya ang ipinagdiriwang natin ngayon, ang ipinagdiriwang natin ay ang Kalayaan -- ang kalayaan ng sambayanan at ng pamahayagan, na mabatid ang mga pangyayaring may kaugnayan sa buhay nila. Sa pagkakataong ito, ginugunita natin kung paano ang Malaya, kaisa ng sambayanang Filipino ay lumaban at itindig ang lupaypay na bansa.” Naibalik ang demokrasya sa taong bayan, ayon kay PNoy dahil naipaalam ng Malaya sa madla ang tunay na katayuan ng bansa sa gitna ng pamamayani ng diktaduryang pangangasiwa. “Bilang mag-aaral, pinagbabasa ako ng pahayagan para malaman ang mga pangyayari. Ngunit noong panahon ng martial law, ang tanging tiyak mong katotohanan sa mga pahayagan ay ang petsa at ang listahan ng mga palabas sa sine sapagkat propagandang lahat ang laman nito.” Maliban sa amang pinaslang -- si senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., binanggit ni PNoy ang iba pang tagasalungat sa panahon ng Martial Law -- sina Jose W. Diokno, Chino Roces, Nap Rama at Teodoro Locsin. Take note: Sa panahong ding ‘yun nagsimula ang pahayagan ni Joe Burgos -- ang We Forum na kinilala bilang ‘mosquito press’ at naglaon naging Malaya. *** Napag-usapan ang anibersaryo, dumalo sa pagtitipon ang mga piling panauhin buhat sa mga nagdaang administrasyon, lider ng negosyo, kaibigan, kamag-anak at ilang haligi ng Philippine media, animo’y pinagsama ang lahat ng mga cabinet officials sa apat na administrasyon, simula kay Pangulong Fidel Ramos hanggang kay PNoy. Maliban sa pagiging publisher ng Malaya -- si Manong Jake Macasaet ang pangulo ng Philippine Press Institute (PPI). Ika nga ni PNoy ‘Nang anyayahan ako sa pagtitipong ito, nasabi ko sa aking sarili: “Paano ko tatanggihan si Manong Jake na isa sa mga haligi ng pahayagang Filipino? At paano ko tatanggihan ang pagkakataong ito na magiging parangal at pagpupugay sa mga bayani ng kadiliman noong panahon ng martial law?” Take note: Nagtagal sa pagtitipon si PNoy, as in mahigit isang oras nakipagkuwentuhan sa mga bisita ng mag-amang Manong Jake at Sir Allen ‘Butch’ Macasaet, may-ari ng Monica Publishing Corporation (tagalathala ng Abante at Abante TONITE). Sa kaalaman ng publiko, ang ‘We Forum” ang naging tagapagbandila ng makasaysayang pakikibaka at isa sa iilang tinig na buong tapang nagbalita ng pagpaslang sa ama ni PNoy (Ninoy) sa tarmac ng Manila International Airport (Ninoy Aquino International Airport ngayon) -- dito nagsimula ang pagbagsak ng diktaduryang rehimeng Marcos. Binigyang diin ni PNoy sa anibersaryo ng Malaya ang tinuran ng yumaong ama hinggil sa kahalagahan ng ‘mosquito press’ sa isang malayang lipunan na “Ang isang malayang media ay mahalagang sangkap ng demokrasya upang ito ay makairal na mabuti, kung nais natin ito ay maging tunay. Ang sambayanan na siyang makapangyarihan ay dapat mabigyan nang sapat na kabatiran sa lahat ng sandali’. Congratulations at happy anniversary sa Malaya. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment