Monday, January 10, 2011

January10, 2011

Share
‘Bawal ang perk’
Rey Marfil


Sa bisa ng Executive Order No. 19, malinaw ang direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino -- “bawal ang perk”, as in ipinagpatuloy ng Malacañang ang suspension ng mga allowances, bonuses at iba pang biyayang nakukuha ng mga board of directors and trustees sa lahat ng kumpanya at korporasyong pagmamay-ari o kontrolado ng gobyerno. Sa Ingles -- government owned and controlled corporations (GOCC’s) at government financial institutions (GFI’s).
Kahit sinong malabo ang mata, maiintindihan ang direktiba ni PNoy lalo pa’t “NABABASA at NASUSULAT” ang katagang ‘suspendido’ ang nagmamantikang perks o allo­wances ng mga board of directors and trustees hanggang Enero 31, 2011. Ibig sabihin, pinalawig ang naunang suspension na ipinatupad ni PNoy, ilang linggo makaraang palitan si Mrs. Gloria Arroyo sa Palasyo.
Nakaraang Disyembre 30, 2010 nilagdaan ni PNoy ang EO No. 19 at pinalugitan ng isang buwan ang suspension habang hindi pa nailalabas ang mga panuntunan at gabay ng Task Force on Corporate Compensation (TFCC) -- ito’y nalikha sa bisa ng Executive Order (EO) No. 7 upang suriin ang lahat ng ‘remuneration’ (kabayarang) ipinagkaloob sa mga board of directors and trustees, maging ang discretionary funds ng GOCC’s at GFI’s.
Masalimuot ang patakarang ipinatupad sa mahabang panahon kaya’t inilabas ni PNoy ang EO No. 19 upang masuri pa ang pagbibigay ng mga kaukulang ‘remunerations and discretionary funds’ sa mga board members at trustees. Take note: mismong task force (TFCC) ang nag-request ng 1-month extension kay Executive Secretary Jojo Ochoa para pag-aralan pang mabuti at maihanda ang solidong rekomendasyon.
Sa kaalaman ng publiko, inilabas ni PNoy ang EO No. 7 noong Setyembre 2010 upang bigyang-linaw ang mga katanungan tungkol sa allowances at benepisyong ibinibigay sa mga pinuno at tauhan ng GOCC’s at GFI’s -- ito’y mas malaki kesa buwanang sahod ng mga kawani ng gobyerno, maging sa lahat ng elected officials, as in ‘lumalangoy sa dagat ng perks’ ang mga ‘ex-kumag’ gayong kahit bengkong o barya, hindi malunod ang mga ordinaryong manggagawa.
***
Napag-usapan ang pagbabawal sa multi-milyong ‘perks’ ng mga board members and trustees, ‘tinuluyan’ ni PNoy ang lahat ng ahensyang nagkakaroon ng ‘double-triple functions’, as in overlapping sa trabaho na naunang nilikha ni Mrs. Arroyo, katulad ng flagship development projects sa Luzon.
Mula sa dalawampu’t limang (25) ahensyang ‘inalagaan’ at ‘bineybi’ ng nakaraang administrasyon -- ito’y ibinaba sa limang (5) ahensya ni PNoy kaya’t ‘nagba-bye’ ang dalawampu (20), sampu ng mga opisyal bago nagpaalam ang taong 2010, kabilang ang Luzon Urban Beltway Super Region (LUBSR) at Office of the North Luzon Quadrangle Area (ONLQA) -- ito’y ilan lamang sa napakaraming ahensyang nagkaroon ng redundancy o inconsistent sa trabaho.
Maliban sa dalawang (2) flagship development projects sa Luzon, nilusaw ni PNoy, sa bisa ng Executive Order No. 18 ang nilikhang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG), Mindanao Economic Development Council (MEDC), Mine­rals Development Council (MDC), Office of the Presidential Adviser on New Government Center (OPANGC), Bicol River Basin Watershed Management Project (BRBWM), Office of External Affairs (OEA), at Office of the Presidential Adviser on Global Warming and Climate Change. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: