Sadyang napakaraming ‘row four’ sa Pilipinas -- ito’y dapat ibinabalik sa “Grade 1”, aba’y kahit matuloy ang ‘Grade 7’ at dagdagan pa ng isang taon ang haiskul, hindi pa rin maunawaang legal ang pagkakabili ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Porsche kung ‘utak-talangka’ at ‘feeling-henyo’ ang mga ito. Take note: mismong si Civil Service Commission (CSC) chairman Francisco Duque -- kilalang appointee ni Mrs. Gloria Arroyo ang nagsabing walang mali sa pagbili ng secondhand car ni PNoy. Ang tanong ng mga kurimaw: kailan maiintindihan ng mga ‘nagpi-feeling genius’ sa Porsche ang katotohanang walang kinupit o ninakaw sa gobyerno si PNoy at sariling ipon sa nagdaang 50-taon ang ipinambili rito? At kailan din matatangap ang katotohanang hindi naman nagdagdag ng sasakyan si PNoy bagkus nagbenta para mabili ang Porsche. Sabagay, kahit ilagay sa ‘first row’ ang mga umaastang ‘genius’ kung sadyang walang laman ang ulo, lilitaw pa rin ang pagiging ‘row four’ sa recitation! Kung tutuusin, dapat pang hangaan si PNoy, aba’y masinop sa pera dahil nakapag-ipon para mabili ang kanyang ‘dream car’. Higit sa lahat, hindi nagdagdag ng sasakyan si PNoy kundi nagbenta lalo pa’t hindi naman praktikal ang magmantine ng dalawang (2) sports utility vehicle (SUV). Sa sobrang busy sa trabaho at dami ng problemang iniwan ng nagdaang administrasyon -- ang makapagrelaks ng ilang minutong pagda-drive -- ito ba’y ipagkakait pa natin kay PNoy? *** Napag-usapan ang Porsche, hindi lamang Civil Service Commission ang tumukod kay PNoy, maliban kay Senate President Juan Ponce Enrile na naunang nagtanggol sa Pangulo -- ipinagdiinan nina Senadora Miriam Defensor-Santiago, Senador Juan ‘Migz’ Zubiri at Senador Bong Revilla Jr., ang legalidad sa pagbili ng secondhand card ni PNoy. Tandaan: hindi kapartido ni PNoy ang tatlong (3) senador bagkus malapit sa nagdaang administrasyon. Maging si James Deakin -- kilalang Editor-in-Chief ng Philippine-based car magazine (C! Magazine) ang nagsabing, “The car was definitely brought in new through the official channels and all taxes were properly paid, giving the President a small oasis of respect in the vast of criticism that has surrounded his controversial decision.” Sa Tagalog legal ang lahat ng proseso at bayad ang buwis -- ito’y lumabas sa Philippines Star. Mabuti pa nga si Deakin kahit isang dayuhan, nakakaintindi at nagbigay-respeto sa ating Presidente. Bakit hindi balikan ng mga kritiko ang nagdaang administrasyon, silipin ang mga sasakyang ginagamit ng mga kampon ni Mrs. Arroyo sa 9-taon, hindi lang luxury car ang nagkalat sa Palasyo, pati pangarerang kabayo -- ito’y imported at multi-milyon ang presyo. Ang nakakasuka, hindi pa nagbayad ng buwis at meron ‘express lane’ sa bawat port. ‘Ika nga ni Dolly Cabreza (Peoples Taliba editor), “Saan ba talaga lalagay si PNoy? Pati pakikipag-date, sinisilip, ngayon naman, bumili ng sports car, sinilip din. Ano pa ba kaya ang susunod na sisilipin natin? Bakit hindi iyong mga magnanakaw ng milyon-milyong halaga sa kaban ng bayan ang inyong habulin?” Kaya’t isang malaking kalokohan na ihalintulad ng mga ‘nagpi-feeling Banal’ sa gobyerno ang biniling Porsche ni PNoy at maluhong dinner sa Le Cirque restaurant ni Mrs. Arroyo sa New York -- ito’y napakalayo sa bituka, aba’y kailan pa naging pagkain ang sasakyan para ikumpara ng mga ‘umaastang-Santo Papa’, maliban kung gumagawa lamang ng ingay para pag-usapan ang mga kumag? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment