Friday, January 14, 2011

December 14, 2011

Share
Bagong hirang!
Rey Marfil


Sa bisa ng Executive Order No. 20, pinalawig ng a­nim na buwan ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang termino ng Presidential Middle East Preparedness Committee (PMEPC) -- isang hakbang upang patuloy na pangalagaan ang kapakanan ng mga Pinoy workers sa Middle East at Africa.
Nilagdaan ni PNoy noong Enero 6 ang EO No. 20 -- nangangahulugang mapapaso ang termino ng PMEPC sa Hunyo 30 ngayong taon. Ang orihinal na termino -- ito’y nagtapos noong nakaraang Disyembre 31, 2010, alinsunod sa Executive Order No. 6 ni Mrs. Arroyo na inilabas noong Setyembre 2, 2010.
Mahalaga ang palugit o extension na ipinagkaloob ni PNoy sa PMEPC lalo pa’t mabuway ang kalagayang pampulitika at banggaan ng ilang bansa sa Middle East at Africa -- isang malaking panganib sa kalagayan ng libu-libong Pinoy workers sakaling sumiklab ang digmaan at lumawak ang tensyon.
Malinaw ang direktiba ni PNoy -- ipagpatuloy ang pagbabantay at subaybayan ang mga pangyayari sa Gitnang Silangan at ugaliing handa sa bawat pangyayari para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino, kalakip ang paalala sa lahat ng opisyal ng mga konsulada at embahada na magsagawa ng kakailanganing hakbang.
Pinatutukan ni PNoy ang pagtulong ng PMEPC sa mga Pinoy workers o marinong dinudukot ng mga pirata sa Somalia, ilan dito’y hindi pa napapalaya o nanatiling bihag. Ang PMEPC ang katuwang ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa paglikha ng mga patakaran at pamamaraaan upang mapalakas ang ugnayan sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
***
Napag-usapan ang OFWs, ilang bagong embahador ang itinalaga ni PNoy at pinalitan ang mga ga­lamay ng nakaraang administrasyon, pinaka-latest sina Maria Consuelo Puyat-Reyes (Chile), ex-Commodore Noe Wong (Cambodia) at Carlos Salinas (Spain), kapwa nanumpa noong nakaraang Martes, kasama ang ilan pang flag officers at heneral.
Labing-tatlong (13) flag officers at heneral ang nabigyan ng promosyon -- Lt. General Juancho Sabban (Wescom); Major General Francisco Cruz (Deputy chief of staff for Intelligence); Rear Admiral Nestor Losbanes; Major General Carlos Luces; Major General Roberto Morales; Major General Renato David; Brig. General Rolando Tenefrancia; Brig. General Nicanor Dolojan; Brig. General Roland Amarille; Commodore Roberto Santos; Commodore Joseph Rostum Pena; Brig. General Wildredo Ona at Brig. General Jeffrey Delgado.
Sa 13 heneral at flag officers, pinakamalakas ang pa­lakpakan kay Brig. General Delgado, mas kilalang “Jeff” -- ang senior military aide ni PNoy. Mantakin n’yo, pati si Defense Secretary Gazmin Voltaire, sampu ng Pre­sidential Security Group (PSG), hindi maipinta ang tuwa sa mukha. Take note: meron pang kasamang kantiyaw habang nagpapa-photo op ang pamilya ni General Delgado kay PNoy. Anyway, congratulations kay Ge­neral Delgado -- ito’y nararapat lamang lagyan ng estrelya ang balikat lalo pa’t hindi matatawaran ang serbis­yo sa pamahalaan.
Maliban kay General Delgado, ilang ‘familiar faces’ at kilalang ‘trusted man’ ni PNoy ang naitalaga -- isa si Bureau of Immigration and Deportation (BID) de­puty executive director Eric Dimaculangan. Kaya’t mag-ingat ang mga abusadong immigration officer, maliban kung gustong palipat ng Tawi-tawi at Basilan? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: