Friday, January 21, 2011

JANUARY 21, 2011

Share
Bawal ang balimbing!
Rey Marfil


Sa ika-65 taong anibersaryo sa pagkatatag ng Liberal Party (LP), mabigat ang binitawang pananalita at hamon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III -- ito’y ituring bilang isang kapatid, hindi kapartido lalo pa’t maraming ha­mon at pagsubok ang kahaharapin ng administrasyon upang iangat ang ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng samba­yanang Filipino.
Ang pagmamalasakit sa kalayaan, demokrasya at pagpapaganda sa buhay ng bawat Filipino ang pinakamalaking hamon na kinakaharap ni PNoy. Kung walang suporta ang mga kaalyadong kongresista at senador, as in magkakaiba ang pagsagwan, ‘aksaya-papel’ lamang ang nabuong legislative agenda sa cabinet meeting na ipinatawag nito.
Mabibigat ang mga desisyon o pasiya ni PNoy ng nakaraang linggo -- ito’y unpopular sa publiko subalit kaila­ngang gawin upang maipatupad ang repormang isinusulong at magkaroon ng tiwala ang mga negosyante --isang paraan upang madagdagan ang trabahong ipinangako nito. Nawa’y tinamaan ang mga ‘balimbing’ sa matatalim na pahayag ni PNoy -- ‘walang laglagan, walang iwanan, mahirap man o mayaman, nasa poder o karaniwang mamamayan’.
Bilang bagong chairman ng Liberal Party, higit kailangan ni PNoy ang suporta ng organisasyon at dapat magsilbing ehemplo ang mga kapartido dahil magagawa lamang ang reporma at pagbabago kung meron dangal ang liderato, sampu ng mga umangkas sa partido nito. Ika nga ni PNoy ‘kung may pambansang dangal, ang mga puhunan ay bubuhos at uunlad ang ekonomiya’.
Sa loob ng 6-buwan, bumuhos ang negosyo sa Pilipinas, malinaw ang katotohanang malaki ang tiwala ng mga foreign investor kay PNoy, kabilang ang Coca-Cola, Pfizer, Hewett-Packard, Nestle, Hanjin at IBM -- ito’y nagpalawak ng negosyo sa bansa kaya’t mababawasan ang bilang ng mga tambay sa kanto at bagong graduate na pakuya-kuyakoy.
***
Napag-usapan ang mga tiwala ng mga foreign investor, mabigat ang pasiyang ginawa ni PNoy sa pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT -- ito’y kailangang gawin upang magamit ang pondong matitipid sa dagdag-serbisyong panlipunan o public services na walang ibang makikinabang kundi publiko, partikular ang mga residente sa Metro Manila.
Pang-akit sa mga investor ang mahihirap na desisyon o pagpapakita ng tibay ng dibdib ni PNoy -- ito’y kinaligtaan sa nagdaang 9-taon, kalakip ang hangaring makuha ang simpatiya ng publiko at maibsan ang galit sa palasyo kahit pagkalugi ng multi-bilyong piso at pagkalubog sa utang ng gobyerno ang ending nito.
Ang pagtaas ng pasahe sa LRT at MRT, maging toll fees sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) -- ito’y kapakanan ng nakakaraming Filipino dahil mabubura ang subsidy o pagkargo ng gobyerno sa multi-milyon pisong nalulugi kada araw sa operasyon nito. Take note: ang mga problema at hirap sa pagtaas ng pamasahe, mapa-LRT o expressway -- ito’y minana ni PNoy sa mga maling patakaran ng nagdaang administrasyon, partikular ang ‘subsidies’ ng gobyerno sa serbisyo ng mga tren at toll operator.
Lingid sa kaalaman ng publiko, mas mapapaganda ang serbisyo at luluwag ang lansangan sa pagtaas ng pasahe lalo pa’t gagamitin ang pondong matitipid sa pagbubukas ng bagong linya ng MRT at LRT patungong Antipolo, San Jose Del Monte Bulacan at Cavite. Ewan lang kung naiintindihan ng mga kritiko ang explanation ni PNoy, maliban kung sadyang ‘row four’ o kaya’y nagbibingi-bingihan dahil hindi makapag-move on sa resulta ng eleksyon at meron pinupuntiryang higher position? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: