Ngayong nagsalita si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa estado ni Executive Secretary Jojo Ochoa bilang ‘little president’, as in walang-walang balak palitan at buo ang kanyang tiwala rito -- sa malamang hindi lang nabuhusan ng nagyeyelong tubig ang mga grupong nagnanais makitang nag-alsa balutan ang opisyal palabas ng Premier Guest House kundi napakamot sa kuyukot, aba’y hindi umubra ang ginawang demolition. Hindi kailangang UP graduate o kaya’y scholar ng Wharton School of Economics upang maintindihan ang mensahe ni PNoy. Ibig sabihin, ‘nagpagod’ lamang sa paglikha ng samu’t saring intriga ang mga ‘naglalaway’ sa puwesto ni ES Jojo. Higit sa lahat, sayang ang inilaang pera sa ‘special operations’ -- kung ipinambili ng bigas at isda sa merkado, sana’y nakatulong sa gobyerno para mabawasan ang bilang ng mga batang hindi makakain kahit kamoteng kahoy. Hindi lubos maisip ng mga kurimaw kung bakit ‘pilit pinagniningas’ ang bangko ni ES Jojo gayong maayos at tahimik nagtatrabaho ang opisyal -- ito’y napakalayo sa mga ‘ex-tenant’ o naupong Executive Secretary. Balikan ang 6-buwang panunungkulan sa Malacañang, hindi nasangkot sa anumang katiwalian si ES Jojo at kailanma’y hindi nabalitaang pumasok sa maanomalyang kontrata, maging sa panahong ‘kanang-kamay’ ito ni House Speaker Sonny Belmonte sa Quezon City Hall, as in administrador. *** Napag-usapan si ES Jojo, mala-pelikulang pinilahan sa sinehan ang first day ng ‘cabinet workshop’, aba’y punung-puno ang parking lot sa palasyo -- ito’y ideya ni ES Jojo para matukoy ang legislative agenda o priority measures bago humarap si PNoy sa mga lider ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso -- ang pinaghahandaang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting ni PNoy. Si ES Jojo ang nangunguna sa workshop noong nakaraang Lunes, kasama si Vice President Jejomar Binay at iba pang gabinete -- ito’y layuning mailagay sa ayos at mapisan ang mga panukalang batas tungo sa ‘national strategic development plan’ at suportahan ang 16-point agenda ng gobyerno. Sinadya ni ES Jojo na huwag isama si PNoy sa workshop lalo pa’t hindi kailangan ang presensya sa pagbuo ng legislative agenda. Limang (5) ‘critical areas’ ang naunang tinukoy ni ES Jojo sa pagsusulong ng 16-point agenda ng administrasyong Aquino -- 1) human development; 2) infrastructure development; 3) economic development; 4) sovereignty, security and rule of law; 5) good governance. Take note: dalawampu’t limang (25) proposed legislation ang puntiryang bubuuin sa workshop -- ito’y mauuwi sa tig-lima (5) ang bawat critical areas. May kabuuang 147 proposed legislations ang tinanggap ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) mula sa iba’t ibang department, hindi pa kabilang ang 41 proposed legislations na isinumite ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines kaya’t nagkaroon ng clustering sa workshop ng mga gabinete. Anyway, walang dapat ipangamba ang publiko -- walang bagong panukalang batas tungkol sa pagbubuwis dahil mas prayoridad ni PNoy ang pagpapatupad sa mga umiiral na batas -- ito’y gagamitin upang mapag-ibayo ang pagbubuwis at paglikom ng pondo. Alam n’yo na ngayon kung bakit maraming sinasampolang tax evader si BIR chief Kim Henares. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment